Lalaking may bitbit na buong halaman ng sunflower para sa panliligaw, kinaaliwan




Imahe mula sa Facebook page na Rant / Public Domain Image
  • Kinatuwaan ang larawan ng isang lalaking may hawak na buong halaman ng sunflower
  • Para daw ito sa babaeng nililigawan niya
  • Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens

Isa sa mga tipikal na iniaalay ng isang manliligaw sa kaniyang babaeng pinipintuho ang bulaklak. Simbolo umano ito pagtangi para sa inaasam na babaeng nais makasama habambuhay. Kalimitan, mababango at mamahaling bulaklak ang ibinibigay ng isang lalaki gaya ng rosas, na maaaring isang piraso o isang palumpon. Subalit paano kung buong halaman ng sunflower ang matanggap mo mula sa iyong manliligaw?

Iyan ang kinaaliwan ng mga netizens sa Facebook page na “Rant” matapos makita ang isang larawan ng lalaking may bitbit na buong halaman ng sunflower para daw sa kaniyang manliligaw.

Imahe mula sa Facebook page na Rant

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon mula sa mga netizens.

“Masyado kayong judgmental. Baka ganiyan talaga kalaki ang pagmamahal niya para sa girl. Binunot na niya ang buong sunflower para nga naman maitanim at hindi malanta. Sayang nga naman kung itatapon, hindi ba?” wika ng isa.

Turan naman ng isa, “Mas mainam nga iyan… at least naitatanim. Sweet kaya? Very symbolic. Pagmamahal na hindi magmamaliw hahaha.”

“Saang kapitbahay naman kaya niya hinugot ang sunflower na iyan?” pabiro namang tanong ng isa.

Samantala, isang netizen naman ang naka-relate dito. Kuwento niya, puno ng malunggay daw ang ibinigay sa kaniya ng mister niya noong nanliligaw pa lamang ito sa kaniya.

“Share ko lang yung malunggay na ibinigay sa akin ng asawa ko way back 2016, at least nakakain hindi ba? Hahahaha.”

Ang panliligaw, panunuyo, o paninigalang-pugad ay isang gawain ng taong nanunuyo sa kanyang taong napupusuan. Tinatawag din itong pangingibig. Isang tradisyonal o nakagawiang gawi ang panliligaw ng isang lalaki upang maipahayag niya ang kanyang damdamin para sa babaeng kanyang iniibig. Isa itong paraan ng panunuyo bago humantong sa kasunduan ng pag-iisang dibdib o kasal.

Public Domain Image

Sa panahon ng ligawan, karaniwang lumalabas o nagde-date ang manliligaw at nililigawan upang magkakilala sila nang lubusan at makapagdesisyon kung maaari silang magkaroon ng kasunduang maging magkasintahan at magpakasal sa hinaharap.

Maaaring tumagal ang panliligaw; depende sa desisyon ng babaeng nililigawan. May ilang mga tumatagal ng ilang araw, linggo, buwan o taon. Subalit dulot na rin ng pagbabago ng panahon, may ilan na ring hindi naniniwala sa konsepto nito. Katwiran nila, kung gusto ninyo ang isa’t isa, hindi na kailangang patagalin pa.