Kompanya sa Biñan, Laguna tigil-operasyon; mga empleyado nagpositibo sa COVID-19




Public Domain Image
  • Iminungkahi ang pansamantalang pagsasara ng isang kompanya sa Laguna
  • Naitala kasi na positibo sa COVID-19 ang 290 empleyado na maaaring nagkahawaan dahil sa hindi mahigpit na pagpapatupad ng mga health protocols
  • Ayon sa DOH, kailangang bigyang-pansin ito ng mga may-ari ng kompanya upang mapigilan ang hawaan ng COVID-19 sa kanilang mga empleyado

Pansamantalang ipinatigil ng gobernador ng Laguna ang operasyon ng isang kompanya ng electronics manufacturing sa Biñan, dahil sa dami ng mga empleyadong nagpositibo sa COVID-19 na isinagawa nitong hapon ng Hulyo 30, 2020 sa pangunguna ng Laguna Provincial Legal Office at Health Office.

Ang isang araw na temporary shutdown order sa manufacturing company na NIDEC Philippines sa Biñan City ay isinakatuparan dahil sa 290 empleyado nilang nagpositibo sa COVID-19. Matatagpuan sa Industrial Park, Biñan City ang naturang kompanya.

Public Domain Image

Sinisiyasat ng lokal na pamahalaan kung nakasusunod ba nang tama ang NIDEC Philippines sa mga ipinatutupad na health protocols gaya ng pagdi-disinfect at contact tracing.

Ayon sa gobernador ng Laguna na si Ramil Hernandez, kung may makita man silang pagkukulang at may nakitang dapat ayusin sa sistema ng pagsunod sa health protocols, sa halip na ipasara o permanenteng ipatigil sa operasyon ay tutulungan silang maisaayos ito.

Hinala nila, maaaring nagkahawaan ang mga empleyado sa kantina, work area o shuttle service dahil hindi nasusunod umano ang 50 porsyentong kapasidad sa loob ng sasakyan.

Tatlo pang kompanya sa Laguna na may mataas na bilang din ng mga empleyadong nagpositibo sa COVID-19 ang ipinatatawag ng gobernador upang masiyasat kung nakasusunod ba sila sa mga  health protocols na kailangang gawin lalo’t maaari nang bumalik sa trabaho ang ilan.

Samantala, batay naman sa imbestigasyon ng Department of Health epidemiologist team sa mga kompanya at tanggapang nagkaroon ng kaso ng COVID-19, maaaring nagdulot ito sa ilang mga pagkukulang sa mahigpit o istriktong pagpapatupad ng mga health protocols.

Public Domain Image

Nakita ng mga nagsiyasat na bagama’t may physical distancing sa work area ng mga empleyado, may ilan namang lugar na hindi naipatutupad ito, lalo na kung kalikasan o nature ng trabaho ang pag-uusapan, na hindi maiiwasang magkadikitan o magkalapit ang mga empleyado.

Ayon sa DOH, ito ay isa sa mga bagay na kailangang bigyang-pansin ng mga may-ari ng kompanya upang mapigilan ang hawaan ng COVID-19 sa kanilang mga empleyado.