JC De Vera aminadong tinanggap ang bagong pelikula alang-alang sa pamilya




Public Domain Image
  • May bagong pelikula si JC De Vera
  • Ito ay may pamagat na “Escape From Mamasapano” sa ilalim ng Borracho Films na pagmamay-ari ni Attorney Ferdinand Topacio
  • Inamin niyang tinanggap niya ang alok na bumida sa pelikula para kumita at may maipambayad sa mga gastusin

Inamin ng Kapamilya actor na si JC De Vera na tinanggap niya ang alok ng Borracho Films na pagmamay-ari ni Attorney Ferdinand Topacio na magbida sa bagong pelikulang “Escape From Mamasapano” dahil kailangan na raw niyang magtrabaho at kumita para sa kaniyang mga bills tulad ng kuryente at montly amortization, at para din sa binubuhay na pamilya.

Aniya, bukod sa nami-miss na niya ang pagganap sa harap ng camera, malaking salik din ang pag-aalala ng kaniyang pamilya kung paano makababayad sa mga bayarin nila tulad ng kuryente, tubig at monthly amortization ng bahay; bagay na pinoproblema rin ng mga karaniwang Pilipino, lalo na ngayon sa panahon ng pandemya.

Public Domain Image

Matatandaang naapektuhan ng pandemya hindi lamang ang mga karaniwang tao kundi maging ang mga celebrity dahil nahinto ang pagte-taping bilang pagtalima sa quarantine protocols, idagdag pa ang pag-deny sa franchise renewal ng kaniyang home network na ABS-CBN.

Aniya, kailangan na ring mag-move forward. Matatandaang may anak na sila ng kaniyang non-showbiz fiancee na si Rikkah Cruz at nagsasama na sila.

Samantala, magsisimula na umano ang shooting ng  Escape From Mamasapano sa Batangas at Cavite, kaya matagal mawawalay si JC sa kanyang mag-ina.  Aniya, maraming paalaman sa pamilya bago gawin ito dahil sa lock-in shooting sa mga lokasyon.

Ang Escape From Mamasapano ay halaw sa mga tunay na pangyayari noong Enero 2015.  Makakasama ni JC ang kapwa Kapamilya actor na si Aljur Abrenica. Makakasama rin nila rito sina Edu Manzano, Ritz Azul, Tonton Gutierrez, Congressman Mikey Arroyo, at Claudine Barretto.

Public Domain Image

Ang magiging direktor nito ay si Lawrence Fajardo at ang panulat naman ay mula kay Eric Ramos.

Samantala, si Atty. Topacio ang naging abogado ni Claudine sa mga kaso nito laban sa dating asawang si Raymart Santiago.