“Good Samaritan” binigyan ng branded shoes ang security guard ng isang mall




Imahe mula sa Facebook account ni Mark Oneil
  • Nakatanggap ng branded shoes ang isang security guard ng isang mall mula sa isang netizen
  • Nagkataon kasing magkapareho sila ng sukat ng paa
  • Umani naman ito ng iba’t ibang papuri mula sa mga netizens

Sa kabila ng kawalang-katiyakan kung kailan matatapos ang COVID-19 pandemic, isa sa mga sigurado at tiyak na bagay ay pagkakaroon pa rin ng mga taong may malasakit at mabuting kaloobang tumulong para sa kanilang kapwa, o tinatawag na mga “Good Samaritan” sa kontemporaryong panahon.

Kagaya na lamang ng kabutihang ipinakita ng netizen na si “Mark Oneil” kung saan ibinahagi niya sa kaniyang Facebook post kung paano niya “tinupad ang pangarap” ng isang security guard sa parking space ng isang sikat na mall.

Imahe mula sa Facebook account ni Mark Oneil

Kuwento ni Mark, napansin umano ng security guard ang branded niyang sapatos. Pinuri daw nito ang kaniyang sapatos at tinanong nito kung ano ang size. Natuwa umano ang security guard dahil magka-size pala sila nito. May nakita umano ang security guard na sapatos na katulad ng brand na pagmamay-ari ng netizen sa isang ukay-ukay. Kaya lang, hindi pa raw nito kayang mabili ang naturang sapatos.

Para umanong binubulungan ng kaniyang “guardian angel” si Mark na gumawa ng kabutihan sa kaniyang kapwa. Nagpaalam siya sa security guard na ipaaayos lamang sandali ang cellphone, at muli siyang babalik upang “tuparin ang pangarap nito.”

Matapos ang halos apat na oras sa loob ng mall, binalikan ni Mark ang security guard. Ibinigay niya rito angĀ  binilingĀ  sapatos na kagaya ng brand na kaniyang suot, tutal ay magkatulad lamang sila ng shoe size.

“Oh kuya sabi sayo babalik ako eh. Mas kailangan mo iyan at ikaw napasok ka araw-araw, need mo rin mag-exercise kasi fit kayong mga guard… Happy Sunday Everyone!”

Imahe mula sa Facebook account ni Mark Oneil

Umani naman ito ng “good vibes” sa mga netizen at itinuring si Mark bilang isang “Mabuting Samaritano” kagaya sa sikat na parabulang matatagpuan sa Bibliya. Narito ang kanilang mga reaksyon at komento:

“Isang malaking sana all! God bless you sir! Napakabuti mo po. Masarap sa pakiramdam na makabasa ng mga ganitong post. Mas nakaka-good vibes. May humanity pa rin talaga,” turan ng isa.

Wika naman ng isa, “Bait naman ni sir, God bless po napasaya mo si Kuya lalo na ngayong pandemic hindi talaga makabili, lalaan muna nila pang-araw-araw nilang pagkain bago bumili ng bagong shoes, bago ang sarili pamilya muna.”

“May God Bless you more with your good heart sir! My highest respect to you!” sabi naman ng isa.

Kudos sa iyo, Mark! Sana dumami pa ang mga kagaya mo!

Source :

Facebook