Chinese national nakuhanan ng video habang nagwawala, nananakit ng mga sibilyan at awtoridad sa Makati




Imahe mula sa Facebook video ni Jayson Boongaling
  • Viral sa social media ang pagwawala ng isang babaeng Chinese sa Makati
  • Kuwento ng siklista na isa sa mga nasaktan ng babae, gusto tumawid ng Chinese na babae sa kalsada kahit naka-go pa ang traffic signal light
  • Bigla na lamang umano itong nagwala nang pigilan siya ng traffic enforcer na tumawid para na rin sa kaniyang kaligtasan

Isang babaeng Chinese ang nakuhanan ng video habang nagwawala at nananakit ng ilang mga sibilyan at opisyal sa Makati City noong Martes, July 7.

Imahe mula sa Facebook video ni Jayson Boongaling

Sa video na ibinahagi ng netizen na kinilalang si Jayson Boongaling sa Facebook alas-10 ng umaga, makikita ang babaeng Chinese na hinahampas ang isang traffic enforcer gamit ang kaniyang hawak na payong.

Mapapanood rin dito ang pagbaling ng babae sa isang siklista na nasa parehong lugar.

Sa kaniyang panayam sa 24 Oras ng GMA, ikinuwento ni Jefferson Reyes, siklista na isa sa mga nasaktan ng babae, kung paano nahantong sa ganoong pangyayari ang mga eksena noong araw na iyon.

“Gusto niyang tumawid, pinipigilan siya ng enforcer dahil naka-go ‘yung gusto niyang tawiran. Pinuntahan niya ngayon sa yellow box ‘yung enforcer. Doon na niya binanatan,” aniya.

“Sinusubukang tumakbo nung enforcer, doon na ho ako sumigaw. Sumisigaw ako hanggang sa lumapit siya sa akin, ako naman ‘yung binalingan niya,” dagdag ni Reyes.

Ayon din kay Ronel Cancio, public safety department officer, pinigilan niya ang babae na tumawid dahil naka-go pa ang traffic signal light ng mga oras na iyon.

“Pinahihinto niya ‘yung mga sasakyan, eh,” aniya.

“Kaya agad ako lumapit sa kaniya para anuhin ko baka kasi mabangga po siya. Eh, paglapit ko po, ako naman po ‘yung binalingan niya,” kuwento niya.

Imahe mula sa Facebook video ni Jayson Boongaling

Sa kasalukuyan ay nasa kustodiya na ng pulisya ang babaeng Chinese national.

Inaalam pa nila sa ngayon kung bakit ganoon na lamang ang naging reaksiyon ng Chinese sa nasabing insidente.

Hindi pa umano nila ito makuhanan ng pahayag dahil hindi marunong magsalita ng wikang Ingles ang babae.

Source :

Facebook, GMA, Youtube