Bahay na mukhang kubo sa labas, pagka-moderno sa loob ang mababakas




Imahe mula sa Facebook account ni John Paul Cortes Lamoste
  • Isang bahay ang pinag-usapan ng mga netizens 
  • Sa unang tingin, tila ito ay parang payak lamang at tipikal na kubo
  • Kapag pumasok na sa loob, makikitang ito ay makabago

Isa sa mga pangunahing pangangailangan ng tao ang maayos na masisilungan. Dito nagsisimulang mabuo ang pinakamaliit subalit pinakamahalagang yunit ng lipunan—ang pamilya. Maliit man o malaki, gawa man sa pawid o semento, ang mahalaga’y may matutuluyan.

Kaya naman, pinag-usapan sa social media ang bahay ng netizen na si “John Paul Cortes Lamoste” na ibinahagi niya sa kaniyang Facebook post. Makikita rito ang mga larawan ng kaniyang bahay na aakalain ng sinuman na payak o simpleng tahanan na gawa sa pinaghalong semento at light materials.

Imahe mula sa Facebook account ni John Paul Cortes Lamoste

Subalit mapapa-wow ang sinuman kapag nasilayan na ang loob nito: mababakas kasi ang pagiging moderno nito. Naka-tiles ang sahig, kusina at banyo at mukhang nakaririwasa ang mga may-ari nito.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Magkano po ang nagastos ninyo sa pagpapagawa niyan? ang cute po. Parang gusto ko gayahin!” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Oo nga no? Parang ang gandang tumira sa ganiyang bahay. Pagtingin mo sa harapan parang simple lang, pero pagpasok mo sa loob, wow… modern! Kudos sa bright idea!”

“Indeed, that’s what you call a place we call home. Simple lang. Hindi naman kailangang sobrang laki kasi mahirap ding i-maintain. Just a simple house that you may call a home. Gusto ko rin ng ganiyan!” wika naman ng isa.

Imahe mula sa Facebook account ni John Paul Cortes Lamoste

“Bahay Kubo with a twist”, kinatuwaan ng mga netizens

Samantala, isang “bahay-kubo with a twist” din ang pinag-usapan naman sa Facebook page na “Rant” dahil sa unang tingin, makikita ang isang payak, malinis, at tipikal na bahay-kubo na hindi natukoy kung sino ang nagmamay–ari. May nakatanim pang mga halamang ornamental sa paligid nito, na nakadaragdag sa katiwasayan ng kaanyuan nito.

Ngunit kapag pumasok na sa loob, nakagugulat sapagkat marmol ang sahig nito, ang mga dingding ay yari sa pader na napipinturahan ng puti, ang mga muwebles at appliances ay makabago gaya ng telebisyon, sofa, lamesa, at iba pang mga palamuti, gayundin ang mga bahagi nito gaya ng sala, kusina, at palikuran. Kakaiba, hindi ba?

Sa gilid na labas ng bahay, napanatili naman ang makalumang senaryo dahil napalilibutan ito ng mga pananim. Nakatutuwang isiping napagsama ng may–ari ng bahay ang makaluma at makabagong hitsura ng isang bahay, na nakasasabay pa rin sa tawag ng panahon ngunit hindi kinalilimutan ang nakaraan.