ABS-CBN President at CEO Carlo Katigbak, may mensahe para sa lahat ng “Kapamilya”




Public Domain Image
  • Hindi nagwagi ang ABS-CBN “Kapamilya” Network sa ‘laban’ na makuha ang matamis na “oo” ng Kamara sa renewal ng prangkisa nito
  • Nagbigay ng mensahe ang President at CEO nitong si Carlo Katigbak sa lahat ng mga taong sumuporta at nagdasal para sa kanila
  • Nangako siyang muli silang babalik at iisip ng ibang paraan upang makabalik sa serbisyo-publiko para sa mga Pilipinong itinuturing nilang “Kapamilya”

Nag-iwan ng mensahe si ABS-CBN President at CEO Carlo Katigbak para sa lahat ng “Kapamilya” na sumama sa laban nila upang matamo ang franchise renewal ng Kapamilya Network, na ibinasura naman ng komite ng Kamara nitong Hulyo 10, 2020.

Ayon kay Katigbak¬† sa kaniyang video mula sa Twitter post ng ABS-CBN News, “Labis po kaming nasasaktan sa desisyon ng Committee on Legislative Franchises na tanggihan ang franchise ng ABS-CBN. Naniniwala kaming nakapagbigay kami ng serbisyong makabuluhan at mahalaga para sa mga Pilipino.”

I-click ang larawan upang mapanood ang video

Sa pagpapatuloy, “Gayun pa man, nagpapasalamat kami sa komite para sa pagkakataong maipahayag ang aming panig sa mga isyu laban sa amin. Nagpapasalamat ang ABS-CBN sa aming mga sponsors na nanindigan upang mabigyan kami ng prangkisa, at sa mga mambabatas na nagsalita para sa amin, sa mga pagdinig.”

Habambuhay daw na magpapasalamat ang ABS-CBN sa lahat ng mga sumuporta sa kanilang laban, lalo na ang mga nagdasal para sa kanila.

“Hindi namin kakayanin ang lahat ng ito kung wala kayo. Mananatili kaming nakatuon sa serbisyo-publiko at makakaasang makakahanap ng ibang mga paraan para tuparin ang aming misyon. Kasama ang aming mga empleyado, kasama ninyo kami sa inyong kalungkutan,” ani Katigbak.

Umaasam din ang President at CEO ng network na muli silang makababalik at makakasama ang mga “Kapamilya” sa buong Pilipinas at mundo.

“Mga Kapamilya, maraming salamat na patuloy kayong nagtiwala, sumuporta, nagdasal, at lumaban kasama namin. May natanggap akong mensahe sa social media na nagsabing Kapit lang! Muling magliliwanag ang kuwento ng bawat Pilipino,” pagtatapos ng pahayag ni Katigbak.

Public Domain Image

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“So much respect for this man! Napaka-stressful ng trabaho and yet, here he is: classy, kalmado, at malakas! ABS-CBN is like a phoenix. You’ll be back soon—stronger!” sabi ng isa.

“Law is law. Tanggapin na lang po. Justice has just served. Kasalanan po iyan ng mga owners. Hindi nila ginawa nang maayos ang tungkulin nila sa mga empleyado nila,” wika naman ng isa.

Turan naman ng isa, “ABS-CBN will be bouncing back more stronger and vibrant. This is not the end.”

70 kongresista ang bumoto para sa hindi pagsang-ayong makakuha ng prangkisa ang network, 11 ang pumabor, 2 ang nag-inhibit, at 1 ang nag-abstain.

“KAPIT LANG, KAPAMILYA. Muling magliliwanag ang kuwento ng bawat Pilipino.”