Vic Sotto, mas namulat sa kahalagahan ng pamilya sa panahon ng community quarantine




Mga imahe mula sa Facebook page ni Pauleen Luna-Sotto
  • Kilala ang mga Pilipino sa pagpapahalaga sa pamilya
  • At para sa aktor at TV host na si Vic “Bossing” Sotto, mas napagtanto niya ang kahalagahan ng pamilya dahil sa community quarantine
  • Mas natutukan niya ng pansin ang kaniyang misis at ang bunsong anak na si Baby Tali

Noong Hunyo 8, 2020 ay nagsimula na ulit na mapanood nang live mula sa APT Studio ang Eat Bulaga! Gayunman, iilan pa lamang ang mga Dabarkads na naroon. Ang ilan ay work from home pa tulad nina Vic “Bossing” Sotto at misis na si Pauleen Luna-Sotto.

Sa isang segment, nakapanayam ng mga Dabarkads mula sa studio ang mag-asawang Sotto na nasa kanilang bahay habang kinukulit ni Baby Tali.

Imahe mula sa Facebook page ni Pauleen Luna-Sotto

Nang tanungin si Bossing ng mga Dabarkads kung ano ang nadiskubre niya nitong quarantine, ibinahagi nito ang tungkol sa pamilya.

“Itong 85 days na nakaraan, may isang bagay na namulat sa akin. Minsan, nakakalimutan natin ito— ‘yung importansiya ng pamilya,” ayon kay Bossing.

Paputol-putol ang pahayag ni Bossing dahil sa paglalambing ni Baby Tali.

“Nabanggit ko ‘yung pamilya, kasi araw-araw tayong umaalis ng bahay. Nagtatrabaho. Minsan nakakalimutan na natin ‘yung mga duties natin sa pamilya,” dagdag ni Bossing.

Aniya, ang pinakanakinabang sa community quarantine ay si Baby Tali. Nagbiro pa ito na sa darating na pasukan ay mag-first year high school na raw ang kaniyang bunsong anak sa dami ng natutuhan nito.

Proud namang sinabi ni Pauleen na natutukan nilang mag-asawa si Baby Tali. Marami raw silang naituro sa anak tulad ng potty training, paglangoy, at magbilang sa iba’t ibang lengguwahe.

Dagdag naman ni Bossing, “Parati tayong magkakasama, doon mo makikita ‘yung kahalagahan at pagmamahal ng pamilya. Tulad ng pamilya natin sa malayo, na hindi natin nakakasama na medyo matagal-tagal na rin.”

Marami pang anak at apo si Bossing na hindi niya nakikita at nakakasama kaya tiyak na nasasabik na rin siya sa mga ito.

Imahe mula sa Facebook page ni Pauleen Luna-Sotto

“Mararamdaman mo kung gaano kahalaga ang pamilya, lalo na sa ating mga Pilipino,” pagwawakas ni Bossing.

Kaya mapalad ang mga taong kasama nila ang kanilang pamilya sa panahon ng COVID-19.

Maaaring panoorin sa ibaba ang panayam ng Dabarkads sa mag-asawang Sotto:

Source :

Facebook