Unicorn-inspired walis tambo mula sa Baguio, patok sa mga mamimili




Imahe mula sa Facebook page ng Prutas ni Nanay
  • Nagdulot ng atraksyon sa mga mamimili ang itinitindang unicorn-inspired walis tambo sa isang retail store sa Quezon City
  • Tulong umano nila ito upang maitampok ang mga gawang lokal mula sa lungsod ng Baguio
  • Nagkakaubusan na raw ng stock dahil talagang patok ito sa mga mamimili

Isa sa mahahalagang kasangkapang panlinis sa bahay at talaga namang tatak–Pilipino ang walis tambo. Sanay tayo sa tipikal na kulay nito na dilaw, subalit alam mo bang may makulay itong bersyon na inspirasyon mula sa mitolohikal na hayop na “unicorn?”

Pinag–usapan sa Facebook page ng retail store na “Prutas ni Nanay” sa Quezon City ang isa sa kanilang mga patok na paninda na “unicorn-inspired walis tambo” mula sa Baguio na nagkakahalagang 280 piso kada piraso, at maaaring ipadeliver sa pamamagitan ng mga online delivery apps.

Imahe mula sa Facebook page ng Prutas ni Nanay

Ayon sa kanila, paraan daw nila ito upang maitampok ang mga produktong likha ng mga taga–Baguio, lalo na ang mga lubusang naapektuhan ng COVID–19 pandemic. Kung ikaw ang bibili ng mga walis tambo na ito, ipanlilinis mo kaya ito o idi–display?

Narito ang ilan sa mga reaksyon at komento ng mga netizens na natuwa sa unicorn-inspired walis tambo:

“Ang ganda naman! Actually matibay talaga ang mga walis na gawa sa Baguio. Yung ganiyan namin, isang taon na sa amin pero nagagamit pa,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Wow… let us support locals! Puwedeng bumili nang maramihan tapos gawing souvenir items para sa mga foreign friends. It can also boost the tourism.”

“So colorful! Parang nakakahinayang naman ipangwalis! Magandang pampasalubong sa mga Pinoy sa ibang bansa haha so colorful and Im sure sisipagin magwalis ang gagamit. Ang cute,” papuri naman ng isa.

Pahayag naman ng isa, “Ang ganda ng walis, sana ganahan na rin magwalis yung gagamit. Ewan ko na lang kung hindi ka pa sipaging magwalis niya.”

Imahe mula sa Facebook page ng Prutas ni Nanay

Ayon sa post ng page, nagkakaubusan na raw sila ng stocks dahil maraming bumibili. Nag–iwan sila ng impormasyon sa kanilang Facebook page kung paano makabibili ng kanilang mga unicorn–inspired walis tambo.

Ang walis tambo ay kadalasang gawa sa hibla ng mais o talahib (matatas na damo) na nagsimula sa Cordillera Administrative Region, Isa ito sa mga kilalang produktong mabibili sa lungsod ng Baguio, na tinaguriang “Banauae Broom.” Sa paglipas ng panahon, may mga synthetic walis tambo na rin ang nabibili sa mga pamilihan.

Ano pang hinihintay mo, bili na ng unicorn-inspired walis tambo upang mas sipaging maglinis sa bahay ninyo!