Solusyon ng isang gurong naghatid ng good vibes: Umakyat ng puno kung walang signal




Mga imahe mula sa YouTube video ni Bariray Sholirat
  • Bunsod ng COVID-19, ang klase sa mga paaralan ay gagawing online ngunit tiyak na may mga suliranin pa ring kahaharapin ang mga mag-aaral at maging ang mga guro
  • Isa sa mga posibleng kaharaping pagsubok ay ang mahina o ang kawalan ng signal na ipinakita sa isang vlog ng isang guro mula sa Isabel, Leyte
  • Nakatutuwa ang tema ng vlog ngunit may seryoso itong mensahe sa publiko

Good vibes ang hatid ng isang guro sa kaniyang nakatutuwang vlog tungkol sa posibleng maging karanasan ng karamihan sa ating mga guro sa pagsisimula ng online education para sa school year 2020-2021 sa Agosto.

Sa YouTube video ni Bariray Sholirat na pinamagatang “T’branch Online Class,” magsisimula ang online class niya sa pamamagitan ng pagbati ng magandang umaga sa kaniyang mga estudyante. Laptop ang kaniyang gamit.

Imahe mula sa YouTube video ni Bariray Sholirat

Gayunman, unti-unting nawala ang signal kaya nag-isip ang guro kung paano makasasagap ng signal. Lumabas siya ng silid at makikita sa paligid niya ang maraming puno.

Maya-maya ay umakyat ng puno ang guro. Pinagpawisan at halatang nahirapan sa pag-akyat.

Nang makaakyat na ay umupo siya sa isang sanga ng puno. Imbes na laptop, cellphone na ang kaniyang gamit at itinuloy ang pakikipag-usap sa kaniyang klase.

“Class, nagkakaintindihan ba tayo? Kailangan ninyong intindihin. Galingan ninyo ang pag-intindi. Alam n’yo naman ang kalagayan ko rito. Kalahati buhay, kalahati patay. Buwis-buhay itong aking ginagawa para maturuan kayo,” pahayag niya sa video.

Ipinaliwanag niya sa kaniyang klase ang kaniyang sitwasyon.

“Mag-aral kayong mabuti. Lahat ng payo ni sir ay kailangan ninyong pakinggan at tandaan nang magkaroon naman ng silbi ang pag-akyat ko rito,” dagdag pa nito.

Nakatatawa ang tema at paraan ng pagsasalaysay niya sa ginawang video. Gayunman, seryoso ang hatid nitong mensahe.

“Kapag wala ang signal, umalis ang signal, o absent ang signal, kailangan ninyong hanapin. Iyan ang trabaho nating mga titser. Huwag ninyong sabihing ‘walang signal, walang pasok,’” sabi pa ng guro.

Imahe mula sa YouTube video ni Bariray Sholirat

Natapos ang video na nakababa na ng puno ang guro ngunit nawarak ang pantalon nito.

Samantala, nagtrending sa Facebook ang video na ito na may mahigit 1.8 milyon na ang nakapanood. Maaaring bisitahin ang kaniyang Facebook page na Bariray with the B’.

Maaaring panoorin ang kaniyang video na ibinahagi niya via YouTube:

Source :

YouTube, Facebook