Sining sa panahon ng COVID-19: Award-winning photographer, nagbahagi ng pananaw ukol sa photography




Imahe mula sa Facebook account ni Jophel Botero Ybiosa
  • Isa ang sining sa mga naging lunsaran ng ating mga kababayan upang maalpasan ang mga negatibong epekto ng COVID-19
  • Isa sa mga sining na ito ang photography
  • Isang award-winning photographer ang nagbahagi ng kaniyang pananaw ukol sa kahalagahan ng sining na ito sa panahon ng pandemiko

Para sa mahusay at award-winning photographer na si Jophel Botero Ybiosa, ang sining ng pagkuha ng larawan ay nakatulong sa panahon ng krisis. Isa na rito ang iba’t ibang international fund-raising projects na may kaugnayan sa photography na tumutulong sa mga frontliners at mga nahawaan ng sakit.

Sa isang artikulo ng Filipino Times, sinabi ni Ybiosa na nakatutulong din ang photography sa mga taong may karamdamang mental o sa nakararanas ng mga pagsubok sa ganitong panahon.

Imahe mula sa Facebook account ni Jophel Botero Ybiosa

“Ang photography ay may magandang tulong sa panahon ng COVID-19 crisis. Ang isang photo session ay makabuluhang bonding ng pamilya sa tahanan. Nakapagdudulot din ito ng pag-asa sa mga nakakaranas ng depression dahil mabuti rin itong aktibidad na nakapagbibigay ng kasiyahan,” ayon kay Ybiosa.

Bagama’t may mga pinagdadaanang pandaigdigang krisis, ang mga aspiring artists o photographers na apektado ng COVID-19 ay hindi dapat huminto sa pagbuo ng kanilang mga pangarap at sa pag-abot nito.

Sa murang edad ay nagsimula na si Ybiosa sa pag-abot ng kaniyang pangarap na maging photographer. Ang mga photojournalists mula sa mga nababasa niyang diyaryo at magasin ang naging inspirasyon niya sa pag-abot nito.

Kalaunan, naging kasapi siya ng Federation of Philippine Photographers Foundation (FPPF) at nabigyan ng photography scholarship sa Thailand at Amerika.

Ang photography ay hindi lamang isang propesyon para kay Ybiosa. Natuklasan din niya kung ano ang silbi niya sa buhay at ang malaking papel nito sa ating komunidad.

Imahe mula sa Facebook account ni Jophel Botero Ybiosa

Maraming parangal na ang natamo ni Ybiosa sa loob at labas ng Pilipinas at isa sa kaniyang mga plano ay makilala ang ating bansa sa buong mundo sa larangan ng photography.

Mabuhay ka, Ybiosa! Ipagpatuloy mo pa sana ang pagbibigay mo ng inspirasyon sa mga kapuwa mo Pilipino.