Sapaterong nakatira sa pedicab dahil nawalan ng kita, napahatiran ng tulong; mabibigyan pa ng permanenteng trabaho




Larawan mula sa YouTube video ng GMA News
  • Umantig sa maraming nakapanood ang kuwento ng isang sapatero na nakatira na lang sa isang sidecar
  • Nawalan kasi ng kita ang sapatero dahil sa lockdown kaya naman marami ang tumulong sa kanya
  • May nagbigay ng pera, nag-alok ng trabaho at pamasahe pauwi sa kanyang probinsyang Iligan

Nang dahil sa pandemya, maraming Pilipino ang nawalan ng trabaho. Ang ilan ay nahinto sa pagbabanat ng buto nang ilang buwan, habang ang ilan naman ay hindi na pinalad na makabalik sa dating trabaho dahil natanggal na o ‘di kaya naman ay hindi pa rin pinapayagang makabalik dahil sa umiiral na quarantine protocols.

Isa sa mga lubhang naapektuhan ang saptero sa P. Naval, Maynila na si Kimo Ranes. Unang naiulat ni Mariz Umali sa newscast na 24 Oras ang kalagayan ng lalaki. Dahil sa pandemya, wala siyang kita nang mga nakaraang buwan kaya naman minarapat nitong tumira sa pedicab kasama ang kanyang dalawang aso.

Larawan mula sa YouTube video ng GMA News

Marami ang nakapanood at naantig sa kuwento ni Mang Kimo kaya naman kinabukasan, agad na dumagsa ang tulong para sa kanya. Marami ang tumawag sa GMA News upang ipaabot ang kanilang tulong para sa kaawa-awang sapatero.

Isa sa mga biyayang natanggap ng lalaki ay ang salaping umabot sa libo-libong piso ang halaga. Personal itong inihatid ni Mariz at sinabing mula iyon sa isang donor na ayaw nang magpakilala. Ayaw pa sanang tanggapin ng lalaki ang pera ngunit pinilit lamang siya ng reporter.

Dito na bumuhos ang emosyon ni Mang Kimo dahil sa nakuhang tulong mula sa mga taong hindi man kaano-ano, ay handang maglaan ng kaunting ayuda para sa kanya. Ayon sa sapatero, ipang-uupa niya raw ng bahay ang pera.

“Uupa ako ng bahay kahit mumurahin lang, tapos patuloy yung ginagawa ko. Mahirap dito sa tabi-tabi po eh. Maganda talaga may bahay kang sarili,” pahayag ni Mang Kimo.

Larawan mula sa YouTube video ng GMA News

Hindi pa rito natatapos ang surpresa para kay Mang Kimo dahil isang may-ari ng shoe factory sa Marikina ang nag-alok sa kanya ng permanenteng trabaho. Ayon sa may-ari ng pagawaan ng sapatos, makatutulong kay Mang Kimo ang magkaroon ng trabahong sigurado ang kita para hindi na ito tumira sa lansangan.

Hindi makapaniwala si Mang Kimo sa natanggap na biyaya dahil ang tanging hiling lang daw niya noong una ay ang makauwi sa Iligan na kanilang probinsya. Maaari na rin itong matupad dahil ayon sa Cebu Police Provincial Office, handa silang sagutin ang pamasahe nito pauwi kung ito ang nais niya.

 Panoorin ang video ng ulat na ito ni Mariz Umali:

Source :

YouTube, GMA News