Rochelle Pangilinan sa dating manager na si Joy Cancio: “Ikaw ang dahilan kung bakit kami nakaahon sa hirap”




Larawan mula sa Instagram post ni Rochelle Pangilinan at YouTube
  • May nakapupukaw ng damdamin na mensahe si Rochelle Pangilinan sa dating manager na si Joy Cancio
  • Ayon kay Rochelle, si Joy daw ang isa sa mga dahilan kung bakit sila nakaahon sa hirap
  • Higit sa pagiging manager din daw ang turing niya dito dahil si Joy daw ay ikalawang nanay na niya

Kamakailan ay nagdiwang ng kaarawan ang dating manager at TV producer na si Joy Cancio. Nag-umpisa siya bilang isa ring backup dancer pero mas naging matunog ang pangalan nang hawakan ang career ng kinikilalang best-selling female group sa bansa na SB Girls.

At isa sa mga nagbigay-pugay kay Joy ay si Rochelle Pangilinan na isa sa mga napasikat niya. Sa pamamagitan ng isang Instagram post, inihayag ni Rochelle ang pasasalamat sa kanyang dating manager at nanay-nanayan na si Joy.

Larawan mula sa Instagram post ni Rochelle Pangilinan

Binalikan ni Rochelle ang pagsisimula niya sa kinabilangang girl group. Kinse anyos lang daw siya nang mag-umpisa siyang i-manage ni Joy. At sa murang edad, ipinaramdam daw ni Joy ang kasikatan at ang sagaran nilang raket sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Inilahad rin ni Rochelle na noong una ay ayaw daw talaga ng SB Girls na umarte at magkaroon ng sariling serye. Matapos kasing sumikat bilang dancers sa noontime show na Eat Bulaga, nagkaroon ng sariling serye ang grupo na tinawag na Daisy Siete na tumagal ng pitong taon sa ere.

“Pinaarte mo kami sa TV kahit ayaw namin haha! Sa bandang huli ay nagustuhan din at gustong-gusto! Tampuhan tapos bati ulit kasi isip bata kami pero nagtiyaga ka sa amin.. madami kami,” pahayag ni Rochelle sa post.

Sinabi rin ni Rochelle na kung hindi dahil kay Joy, ay hindi matatamasa ni Rochelle at ng kanyang pamilya ang maginhawang pamumuhay. Si Joy daw ang naging tulay kung bakit may Rochelle Pangilinan ngayon ang industriya.

Larawan mula sa YouTube

“Malaking parte ka ng buhay ko dahil isa ka sa mga dahilan kung bakit nakaahon ang pamilya ko sa hirap. Hindi man tayo araw araw na magkasama o laging nagkikita, hindi ko man nasabi sa yo pero mahal kita,” pagpapatuloy ni Rochelle.

Sa pagtatapos ng post ni Rochelle, sinabi nitong masaya siya sa magagandang nangyayari sa buhay ni Joy ngayon. Kahit daw maraming kagrupo ni Rochelle ang may pamilya na, lagi lang daw silang naririyan para sa kanilang dating manager at nanay-nanayan.