Paskil sa tindahan: “Sumigaw ng DARNA!! kung uutang”




Imahe mula sa Facebook page na Rant/Public Domain Image
  • Kinatuwaan ng mga netizens ang isang paskil na matatagpuan sa isang tindahan
  • Nakalagay kasi rito na pindutin lamang ang doorbell kung bibili
  • Kapag uutang naman, sumigaw ng “Darna!”

Malaking bagay ang pagkakaroon ng sari-sari store o tindahan upang makadagdag sa kita ng isang pamilya. Sa Pilipinas, wala yatang kalsada, eskinita, o kalye sa mga barangay o village na walang kahit isa mang tindahan. Minsan pa nga, mga magkakapitbahay rin ang magkakakompitensiya.

Sa paramihan ng suki, nagkakatalo na lamang kung sino ang mga tindahang nagpapautang. Kagaya na lamang sa ibinahagi ng Facebook page na “Rant” kung saan makikita ang isang larawang nagpapakita ng isang paskil sa tindahan. May nakatutuwang tagubilin siya para sa kaniyang mga suki. Pindutin daw ang doorbell kung bibili; kung uutang naman, sumigaw lamang ng “Darna!”

Imahe mula sa Facebook page na Rant

Nagdulot naman ito ng “good vibes” sa mga netizens at nagbigay sila ng reaksyon at komento hinggil dito.

“At least, hindi pinaalis ang mga uutang. Mabait pa rin kahit paano ang may-ari nito. Iyon nga lang, hindi natin sure kung pauutangin nga, kasi parang nakakahiya naman sumigaw ng Darna! Hahaha,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “May nabasa naman akong post, ang nakalagay sa paskil, ‘Bawal umutang ngayon bukas na lang’ tapos hindi tinatanggal hahaha. So araw-araw, ganoon at ganoon lang lagi ang mababasa. Witty talaga ang mga Pinoy pagdating sa mga ganitong kalokohan,” sabi ng isa.

“May tindahan din kami noon… mas marami pa ang mga taong may utang kaysa sa mga bumibili talaga. Kaya nalugi kami and we decided to close na lang and file for bankruptcy hehehe. Noon, kilala na ni Mama kung sino yung mga uutang, papalapit pa lang sa tindahan, kaya ang ginagawa niya kunwari tulog siya o busy siya,” pagbabahagi naman ng isa.

Ang pag-utang o pansamantalang paghiram ng pera, bagay, o produkto sa isang tao ay masasabing bahagi na rin ng ating kultura; walang masama rito basta’t may consent o pumayag ang inuutangan, subalit kailangang tupdin ang napagkasunduang petsa ng pagbabayad.

Kung hindi naman makatutupad sa usapan, makiusap sa inutangan at huwag magtatago. Matutong magpakumbaba at huwag pang galit kung sinisingil na. Tandaan at isaisip na kaya nagtayo ng tindahan ang kapwa ay upang magnegosyo at magdagdag ng kita. Lahat naman, maaaring madala sa mabuting pakiusapan, hindi ba?

Samantala, si Darna naman ang pinakasikat na female superhero fictional character ng mga Pilipino. Nagiging superhero siya sa pamamagitan ng paglunok ng mahiwagang bato na nagbibigay sa kaniya ng ibayong kapangyarihan upang iligtas ang mga naaapi.