Paskil sa isang mall kinatuwaan; “3/4 Person” lang daw ang papapasukin




  • Nagbunsod ng katatawanan sa mga netizens ang paskil sa isang tindahan ng cellphone na matatagpuan sa isang mall sa Taguig
  • Nakalagay kasi na “3/4 Person” lamang ang papapasukin sa loob
  • Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens

Sa pagsasailalim ng karamihan sa mga lugar sa general community quarantine, isa sa mga pinayagan nang magbalik-operasyon ang mga malls. Kaakibat nito ang pagsunod sa mga health protocols kagaya ng pagtalima sa social distancing at pagsasagawa ng sanitation sa mga pasilidad nito.

Kaya naman, nagbunsod ng katatawanan sa mga netizens ang isang paskil na makikita sa entrada ng isang tindahan ng cellphone sa loob ng mall sa Taguig. Ibinahagi ito sa Facebook post ng netizen na nagngangalang “Geordan.”Nakalagay kasi sa paskil nito na “3/4 Person Allowed Inside of Store Only” na nangangahulugang “tapyas” na tao ang papapasukin sa loob nito.

Imahe mula sa Facebook account ni Geordan Mission / Public Domain Image

Maaaring ang ibig sabihin nito ay 3/4 na bahagi lamang ng bilang ng mga customer ang papayagang makapasok sa vicinity ng naturang cellphone store sa mall upang masunod pa rin ang social distancing at health protocols.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Grabe naman yung 3/4 person, at ang 1/4 siguro ay hayop hahaha. Wala bang nagche-check ng grammar nila bago magpaskil? Medyo nakakatawa kasi,” sabi ng isa.

Wika naman ng isa, “Baka kasi katawan lang hindi kasama ulo, o mula ulo hindi kasama ang paa kaya 3/4 hahahaha. Paki-ayos naman po ang grammar.”

“Hahaha. 3/4 lang na tao ang puwedeng pumasok, ano iyan manananggal? Hahaha. Sana inaayos muna ang mga announcement bago ipaskil kasi nakakahiya naman sa mga grammar conscious,” pahayag naman ng isa.

Iba-iba rin ang naging pamantayan ng mga malls sa pagpapapasok ng mga mall goers kagaya ng pagkuha muna ng temperatura sa mga pumapasok gamit ang thermal scanner, paglalagay ng mga tanda at simbolo kung saan lamang maaaring dumaan, o kaya naman ay paglilimita sa bilang ng mga tao sa loob.

 

Public Domain Image

Samantala, pagdating naman sa pagtukoy ng kamaliang panggramatika ay talagang matinik ang mga Pilipino dahil bahagi ng kurikulum sa mga paaralan ang asignaturang English. Batay rin sa mga lumabas na survey noon, isa ang mga Pilipino sa mga pinakamahuhusay magsalita at gumamit ng wikang English kaysa sa mga taal na nagsasalita nito.

Source :

Facebook