Panukalang batas na nagdedeklara sa balangay bilang pambansang bangka, tinalakay sa Senado




Public Domain Image
  • Tinalakay sa Senado ang House Bill 4953
  • Ito ay ang pagdedeklara sa balangay bilang pambansang bangka ng Pilipinas
  • Ang balangay na tinatawag ding bangkang Butuan ay isa sa mga pinakamatatandang sasakyang-pandagat sa bansa na salamin at tatak ng ating lahi

Muling tinalakay sa Senado ang pagpapasa sa panukalang batas na nagtatakda sa “balangay” bilang pambansang bangka ng Pilipinas, na naipasa na sa 2nd reading ng Mababang Kapulungan o Kamara noong mga unang kuwarter ng 2019.

Ang House Bill na ito ay akda ni Agusan del Norte Representative Lawrence Lemuel Fortun na nagdedeklara sa balangay o kilala rin bilang “bangkang Butuan” bilang pambansang bangka ng Pilipinas, na nagpapamalas ng kahusayan ng mga Pilipino sa paggawa ng mga barko at bangka, maging sa paglalayag sa karagatan noong panahon ng mga katutubo o pre-kolonyal.

Public Domain Image

Aniya, ginamit ng mga Pilipino ang ‘Balangay’ para sa pakikipagkalakalan sa mga kalapit na bansa at mga imperyo sa Timog-Silangang Asya noong ika-10 at ika-11 siglo. Sa loob ng balangay ay kayang magsakay ng maraming tao o pamilya. Dito rin hinango ang salitang “barangay” na naglalarawan sa pamayanan ngayon.

Samantala, halo-halo naman ang naging reaksyon at komento rito ng mga netizens. Maganda naman daw ang layunin ng Senado, subalit tila hindi raw napapanahon ito o wala sa tamang timing, lalo’t nahaharap ang bansa sa pandemya. Marami pa raw mga panukalang batas na dapat unahin at atupagin kaysa rito.

“I can’t believe this is more important than our lives. Ano po ba ang priorities ninyo? Napakarami pong puwedeng asikasuhin kaysa riyan, na hindi naman essential sa ngayon,” sabi ng isa.

Pahayag naman ng isa, “Buti pa bangka binibigyan ng atensyon, mass testing kailan kaya? Pang-araw-araw na pangangailangan, kailan kaya? Ang pagsugpo sa pangunahing problema which is a pandemic, kailan kaya?”

“Baka kasi sinunod lamang ng Senado ang iskedyul nila. This is a good thing naman. Kaya lang, ang nasisilip dito yung urgency. Pasintabi na rin sa mga lawmakers natin na totong nagsisilbi sa bayan. Mabuhay kayo at salamat!” turan naman ng isa.

Public Domain Image

Bukod dito, naging kontrobersiyal din ang mabilisang pagpapasa sa “Anti-Terror Bill” na inuulan ngayon ng batikos at kritisismo, at ipinananawagang ibasura dahil may mga detalye at bahagi umano rito na maaaring maabuso ng mga awtoridad.