Pagragasa ng lahar sa isang lugar sa Batangas, panibagong pagsubok sa mga Batangeño




Mga imahe mula sa Sangguniang Kabataan ng Buso-Buso Facebook page
  • Kahit mainit ang panahon ay nakararanas na ng malalakas na pag-ulan sa iba’t ibang bahagi ng bansa
  • Tulad ng nangyaring malakas na pag-ulan sa ilang bahagi ng Luzon nitong Linggo ng hapon, Hunyo 7, 2020
  • Sa kasamaang-palad, dumoble ang epekto nito sa isang isang lugar sa Batangas kung saan rumagasa ang putik na nabuo mula sa mga abong ibinuga ng Bulkang Taal noong Enero

Muling sinubok ni Inang Kalikasan ang katatagan ng mga Batangeño.

Nitong Linggo ng hapon, Hunyo 7, 2020 ay nakaranas ng malakas na pag-ulan ang ilang bahagi ng bansa. Sa kasamaang-palad, dumoble ang naging epekto nito sa mga mamamayan ng Barangay Buso-Buso, Laurel, Batangas.

Imahe mula sa Facebook page ni Leslie Ann Tenorio Pesigan

Rumagasa kasi ang lupa o putik na nabuo mula sa mga abong ibinuga ng Bulkang Taal nang ito ay nag-alburoto noong Enero.

Ibinahagi ng isang netizen na si Leslie Ann Tenorio Pesigan ang naging karanasan ng kaniyang pamilya sa panibagong pagsubok na ito.

“Bago pa lang po kaming  nakaka-recover sa pagputok ng bulkan. Ito na naman po ang panibagong pagsubok na naman po. Lord, tulungan mo po kami,” ayon sa kaniyang Facebook post na may kalakip na mga larawan.

Sa kabutihang-palad, walang nasaktan sa kanilang pamilya. Gayun man, muling nanariwa umano kay Pesigan ang nangyari noong Enero.

“Still blessed pa din at kahit anong pagsubok at sakuna ang dumating ay hindi kami pinabayaan ng Panginoon. Thank you, Lord,” ayon pa sa isang post ni Pesigan.

May isa ring video na ibinahagi ang Sangguniang Kabataan ng Buso-Buso Facebook page kung saan makikita ang malakas na pag-agos ng tubig na may kasamang putik.

“Panginoon, kayo na po bahala sa bawat isa sa amin. Tanging hiling po namin kay Gov. Mandanas na sana po ay mabigyan po ng maayos na daluyan ang lahar kung sakaling bubuhos po muli ang malakas na ulan para po hindi na po pumasok at makapinsala sa bawat bahay ang lahar,” ayon sa kanilang Facebook page.

Mga imahe mula sa Sangguniang Kabataan ng Buso-Buso Facebook page

Walang naiulat na nasaktan o sinawimpalad sa pangyayari.

Panalangin para sa mga mamamayang apektado. Alam naming makababangong muli ang mga Batangeño.

Maaaring mapanood sa ibaba ang video mula sa Sangguniang Kabataan ng Buso-Buso Facebook page: