Paalala ukol sa social distancing na nasa isang tindahan, sa “hugot” idinaan




Imahe mula sa Facebook account ni Thomas John / Public Domain Image
  • Idinaan sa “hugot” ang isang paalala ukol sa social distancing na nakapaskil sa isang tindahan
  • Ayon dito, “Panatilihing dumistansiya lalo na kung di ka naman mahal”
  • Nagbigay naman ng iba pang kaugnay na hugot dito ang ilang mga netizens

Simula nang mangyari ang COVID–19 pandemic at magkaroon ng iba’t ibang hakbang upang mapigilan ang pagkalat nito, naging pamilyar na sa atin ang terminong “social distancing”. Ito ay tawag sa paglayo ng isang tao sa kaniyang kapwa, na may agwat na isang metro o higit pa, upang hindi makahawa o mahawa sa mapamuksang virus.

Halos sa lahat ng panig at lugar, ipinapaalala na dapat dumistansiya at tiyaking nasusunod ito. Maging sa pagbili sa mga suking tindahan, kinakailangan ding isaalang-alang ang tamang puwesto sa pagbili. Gaya na lamang sa isang tindahan na idinaan sa hugot ang paalala para sa social distancing, na makikita sa Facebook post ni Thomas John.

Imahe mula sa Facebook account ni Thomas John / Public Domain Image

“Panatilihing dumistansiya lalo na kung di ka naman mahal,” ayon sa paskil ng tindahan para sa kanilang mga suking mamimili. Mapapansin ding nababalutan ng plastik ang harapan nito bilang proteksyon. Sa isa pang paskil, nakalagay naman ang babalang “Huwag ipasok ang ulo.”

Nagdulot naman ito ng kahit paano’y kasiyahan sa mga netizens, lalo’t masyado nang seryoso ang mga nangyayari sa paligid dulot ng COVID-19.

“Hahaha, oo nga naman. Huwag mo nang ipilit kapag hindi ka na mahal. Kasi kung talagang mahal ka pa niya, hindi mo na kailangan pang ipagsiksikan ang sarili mo. Boom!” hugot ng isa.

Turan naman ng isa, “I agree with this. Kung talagang mahal ka, hindi mo kailangang magpahabol kasi kusa ka niyang hahabulin. Pero sa kaso ng COVID–19, hindi ko siya mahal kaya please lang, huwag mo kaming dapuan! You are not welcome here!”

“Panatilihing dumistansiya kapag may mahal nang iba! O kaya naman, panatilihing dumistansiya kapag may dyowa o asawa na! Hahaha! Tinamaan ka ba?” pabirong pahayag naman ng isa.

Public Domain Image

May point naman ang hugot na ito, hindi ba?