Nostalgia: Ginawa mo rin bang pulseras ang santan?




Imahe mula sa Facebook page na Rant / Public Domain Image
  • Inalala ng mga netizens ang kanilang kabataan dahil sa bulaklak na santan
  • Madalas kasi itong ginagawang pulseras o bracelet noon
  • Bukod sa pulsreas, maaari din itong gawing korona, singsing, relo, at iba pa

Noong mga panahong hindi pa uso ang mga gadgets at online games, simple lamang ang kinaaaliwan ng mga bata. Malaking bagay na ang paglalaro sa labas ng bahay at nagsilbing malaking playground ang lansangan, kabukiran, o kagubatan. Mga simpleng bagay lamang ang kinahumalingan at ginagawang laruan. Isa na riyan ang bulaklak na santan.

Kaya naman, nanariwa sa mga netizens ang isang bagay na ginagawa sa maliliit na bulaklak na ito. Noon kasi, bukod sa maaaring sipsipin ang nektar nito, maaari din itong pagdugtong-dugtungin upang makabuo ng pulseras o bracelet. Iyan ang ipinanumbalik sa gunita ng mga netizens ng Facebook page na “Rant.”

Imahe mula sa Facebook page na Rant

Marami naman sa mga netizens ang nagbigay ng kanilang reaksyon at komento hinggil rito.

“Ako na isang batang 90’s nakakatuwang isipin na hindi lang ako ang gumawa nito noong bata pa ako, paano kaya yun no? Nag-connect lahat ng utak natin at naisip na gawin natin ito kahit walang nagturo sa atin,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “You’re a pro kapag may crown ka pa, singsing, hikaw, necklace and bracelet ng hindi nahuhulog. Lahat ay gawa sa santan na nasa harap lamang ng bahay o nakatanim sa bakuran.”

“Yeah I remember this… ito talaga ang nakapagpapasaya sa akin noon. Ngayon yata wala nang gumagawa nito. Kay sarap lang balikan nang nakaraan no?” saad naman ng isa.

Ang santan o ixora coccinea ay isang uri ng palumpong na may kulay puti, pula, at rosas na mga bulaklak. Kilala rin ito bilang heranyo ng gubat, ningas ng kagubatan, at liyab ng gubat. Nagbuhat ang pangalang pang-agham nito mula sa isang itinuturing na diyos sa Indiya. Isa itong pangkaraniwang halamang palumpong na likas at katutubo sa Asya.

Public Domain Image

Likas na makikita ang mga santan sa mga tropikal na bansa sa Timog-Silangang Asya, kagaya ng Pilipinas.