Nasubukan mo na bang gawing ruler ang peso bill?




Imahe mula sa Facebook page na Papa / Public Domain Image
  • Napabilib ang mga netizens sa ipinakikita ng isang larawan sa isang Facebook page
  • Sa halip kasi na ruler ay peso bill ang gamit ng isang lalaking mag-aaral sa paggawa ng linya
  • Isa raw ito sa mga diskarte noon at hanggang ngayon ng mga hindi pinapahiram ng ruler ng mga kaklase nila

Sanay tayong mga Pilipino sa mga “tantiyahan” na matagal nang ginagawa noong unang panahon. Ginagamit nating panukatan ang mga bahagi ng ating katawan sa pamamagitan ng pagdangkal, pagdipa, paghakbang, at marami pang iba. Kahit ang mga labi o bibig ay nagagamit din sa pagturo naman ng direksyon.

Paano kung kailangan mong gumuhit ng mga diretsong linya? Walang problema! Mahusay tayong dumiskarte riyan. Hindi kailangan ng ruler; isang peso bill lamang ay maaari na. Iyan ang ipinakita sa Facebook page na “Papa” kung saan makikita ang isang lalaking mag-aaral na matiyagang gumagamit ng peso bill sa pagguhit ng linya. Isang libong piso pa!

Imahe mula sa Facebook page na Papa

Ayon sa caption ng post, “Yung hindi ka pinahiram ng ruler ng mga classmate mo…”

Nakaugnay naman ang mga netizens dito at muling binalikan at sinariwa ang mga panahong ginagawa rin nila ito. Bukod sa peso bill, iba-iba ang diskarte nila noong sila ay nag-aaral pa.

“Wala akong one peso-bill noon kasi barya-barya lang ang baon ko. Ginagawa ko, kumukuha ako ng papel tapos tinutupi ko. Iyon ang ginagamit kong ruler. Bawal kasing makihiram ng gamit sa kaklase magagalit ang teacher,” kuwento ng isa.

Pagsasalaysay naman ng isa, “Sus, wala kayo sa akin. Ako ang gamit ko, mismong ballpen o lapis. Mas matigas-tigas pa. Hindi ko kayang gumamit niyan hehehe.”

“Wala kayo sa akin. Hindi ako gumagamit ng kahit na anong ruler o pampatuwid. Imagination lang guys, ubra na! Just imagine na may ginagamit kang ruler and then stroke the straight line. Kailangang madiskarte ka alone. Hindi mo naman kailangan ang sinuman ah. Hahaha. Hugot?” pabida naman ng isa.

Public Domain Image

Bukod sa ruler, marami pang iba’t ibang klase ng kasangkapan upang masukat ang mga linya at iba pang hugis. Isa pa sa mahahalagang panukatan na kailangang matutuhan ng mga mag-aaral ay ang paggamit naman ng protractor. Sa Geometry, ginagamit ito sa paggawa ng iba’t ibang line angles.

Ikaw, nasubukan mo na bang gawing ruler ang peso bill?