Nasabihan ka na bang “hugis-mangga”?




Imahe mula sa facebook account ni Arvin Caslu / Public Domain Image
  • Ikinaaliw ng mga netizens ang isang larawan
  • Nagpapakita ito ng isang kartong may lamang mga manggang kalabaw
  • Namumukod-tangi rin dito ang isang “hugis-mangga”

Itinuturing na pambansang prutas ng Pilipinas ang “mangga”. Mapa-kalabaw, indian, o piko, talaga namang paborito ng mga Pilipino lalo na’t sasamahan pa ng sawsawang bagoong alamang. Paborito rin itong flavor sa ice cream, shake, beverages, panghimagas, at marami pang iba. Subali, ano nga ba ang nais ipahiwatig kapag sinabihan kang “hugis-mangga”?

Kinatuwaan ang Facebook post ng netizen na si “Arvin Caslu” nang ibahagi niya ang larawan ng isang kartong naglalaman ng mga hilaw na manggang kalabaw, bukod sa mga literal na mangga, may ulo rin ng isang lalaki na “hugis-mangga” o may kahabaan ang baba o chin sa Ingles.

Imahe mula sa facebook account ni Arvin Caslu / Public Domain Image

“20 per kilo na lang. Maganda po ang pagkakahinog niyan… Hindi rin maasim… Seedless po ‘yan,” ayon sa caption ng post.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Medyo matalim po ang dulo ng mangga hahahaha,” pabirong sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Wow ang sasarap naman po ng manggang kalabaw na iyan, pero para pong may naligaw na kutsilyo? Hahaha. Biro lamang po.”

“Nakakatakot yung isang mangga, may mga matang malalaki hahaha,” pahayag naman ng isa.

Karaniwang pinagtatawanan o pinagtatampulan ng tukso ang mga taong may mahahabang baba, na karamihan ay inihahalintulad sa prutas na mangga, kutsilyo, o quarter moon dahil sa korte nito. Subalit may ilang mga lahi gaya ng mga Chinese na para sa kanila, suwerte ang hatid ng mga taong may kahabaan ang baba.

Mapatutunayan iyan sa isang pelikulang Pilipino na “Etiquette of Mistresses” na pinagbidahan nina Claudine Barretto, Kim Chiu, Iza Calzado, Cheena Crab, at Kris Aquino na idinerehe ni Chito Rono sa ilalim ng Star Cinema noong 2015.

Ang karakter ni Cheena Crab na si “Charley” na pinakamayaman sa kanilang lahat ay “mistress” ng isang Chinese na may-ari ng “Lucky Moon” hotels and airlines. Suwerte raw para sa mga Chinese na magkaroon ng partner o asawang biniyayaan ng mahabang baba.

Public Domain Image

Sa Philippine showbiz, sumikat ang mga komedyanteng may kahabaan ang baba kagaya na lamang nina Babalu at  Ai Ai Delas Alas. Nakilala rin ang komedyanteng si “Babajie” na lumalabas sa gag show na “Bubble Gang” at naitampok pa sa news magazine show na “Kapuso Mo Jessica Soho” sa GMA Network dahil sa pagkakaroon ng gwapong Italian boyfriend. Noong Mayo 4, 2020 ay namaalam sa mundo si Babajie dahil sa pulmonya.

Kaya kung inaakala mong sumpa ang pagkakaroon ng mahabang baba, huwag kang mag-alala, dahil maituturing pa rin itong isang biyaya!