Modified motorbike na may tatlong gulong at dalawang magkahiwalay na upuan, muling kinaaliwan




Imahe mula sa Facebook accounts nina Ell-ey Santiago / Frank Go / Public Domain Image
  • Muling kinaaliwan ng mga netizens ang larawan ng “modified motorbike”
  • May tatlo kasi itong gulong at may dalawang upuan na bagay na bagay sa pagtalima sa social distancing pahinggil sa angkas
  • Ang tunay na may-ari ng naturang sasakyan ay isang lalaking gumagamit ng wheelchair sa Cebu City

Likas sa mga Pilipino ang pagiging malikhain at praktikal. Anuman ang kalagayang kinalalagyan, makaiisip at makagagawa ng paraan upang mairaos ang isang suliraning kinahaharap. Ang katangiang ito ng mga Pilipino ang taglay ng ilan nating mga kababayan upang ma-suvive ang buhay sa loob at labas ng bansa.

Sa pagsisimula ng General Community Quarantine at unti–unting pakikiangkop sa tinatawag na “New Normal Scheme” ng pamumuhay, isa sa mga suliraning lumitaw ay ang kawalan ng masasakyan. Hindi pa kasi lubusang pinayagan ang pamamasada ng mga pampublikong sasakyan.

Public domain Image

Para naman sa mga may motorsiklo, hindi pa rin pinapayagan ang pagpapasakay ng iba o angkas. Kaya naman, kinaaliwan ng mga netizens ang larawan ng isang motorsiklong dumaan sa modipikasyon, na may tatlong gulong at dalawang magkahiwalay na upuan.  Ibinahagi ito sa Facebook post ni “Ell-ey Santiago”. Diskarteng malupit nga naman!

“Ito siguradong hindi kami magkaangkas. Huwag ninyong sabihing bawal pa rin ito?” pabirong tanong ng netizen, batay nga sa pagbabawal pa rin ng mga awtoridad sa mga taong magkaangkas kahit na mag-asawa pa o magkasama naman sa bahay, ayon sa atas ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año

Kinaaliwan naman ito ng mga netizens at nagbigay sila ng reaksyon at komento hinggil dito.

“Creativity or modification? Maybe both. Credit to the designer, mechanic and actual builder. Three-wheeled bikes are numerous elsewhere in the world and one can find their variations through Internet search,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Huwag ninyong hinahamon ang mga Pinoy! Social distancing ba kamo? Iyan na ang sagot!”

“Wow ang taba ng utak! Kaya lang, paano kaya mapapaandar iyan? Saka saan ito makikita?” saad naman ng isa.

Hindi pag-aari ng nagbahaging uploader ang naturang modified motorbike. Ibinahagi lamang niya ito dahil tila naaangkop ito para sa pagsunod sa social distancing habang nakasakay ng motorsiklo.

Imahe mula sa Facebook accounts nina Ell-ey Santiago / Frank Go

Ang tunay na may-ari ng modified motorbike ay nagngangalang “Reigel Gallarde” mula sa Cebu City, at unang sumikat noong Agosto 2019 dahil sa pagtatampok sa Facebook post ng netizen na si “Frank Go” matapos makita at makuhanan ito ng larawan habang nakaparada sa labas ng isang mall.

Si Gallarde, na isang computer programmer, ay nakasakay sa isang wheelchair. Sadyang ginawa ang naturang motorsiklo para sa kaniyang kalagayan, upang makapagmaneho siyang mag-isa mula sa kaniyang tahanan sa Barangay Tisa patungong Ayala Center Cebu kung saan siya nagtatrabaho.