Mayor Isko, naglaan ng P994 M pambili ng gadgets ng mga mag-aaral, guro para sa blended learning




Imahe mula sa Facebook page ni Mayor Isko Moreno
  • Inanunsiyo ni Mayor Isko Moreno na sasagutin ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang karagdagang gastos ng mga mag-aaral at guro para sa blended learning
  • Ayon sa alkalde, naglaan na sila ng halagang P994 million upang ipambili ng gadgets at pambayad sa internet connection ng mga mag-aaral at guro
  • Tinatayang nasa 110,000 tablets para sa mga mag-aaral sa lungsod at 11,000 laptop para sa mga public teachers ang kanilang ipamamahagi, ayon mismo kay Mayor Isko

Mariing inirekomenda ng Department of Education (DepEd) ang pagpapatupad ng flexible o blended learning sa darating na pasukan upang maiwasan ang pagkalat ng sakit sa mga paaralan, lalo na sa mga mag-aaral at mga guro.

Imahe mula sa Facebook page ni Mayor Isko Moreno

Dahil dito, marami ang nangamba na baka hindi makasabay sa klase dahil sa kawalan ng gadgets at internet connection.

Sa Maynila naman, ipinahayag ni Mayor Isko Moreno ang pagnanais na suportahan ang mga mag-aaral at guro sa lungsod sa mga karagdagdan nilang gastusin para matagumpay na maisagawa ang blended learning.

Ayon sa alkalde, naglaan siya ng P994 milyon upang maipambili ng gadgets na gagamitin ng mga estudyante at mga public teachers sa Maynila.

“Bibili tayo ng 110,000 na tablet para sa mga batang Maynila. Walang [gastos] na ang mga magulang,” pahayag ni Moreno sa isang FB live noong June 5.

“Ma’am, sir, mga teacher, wag kayong mag-alala. May laptop kayong lahat. Bibili tayo ng 11,000 para sa lahat,” dagdag pa niya.

Sagot na rin umano ng lokal na pamahalaan ang internet connection dahil kasama ito sa mga ipamamahagi nila sa mga mag-aaral at mga guro sa pampublikong paaralan.

“Nais kong ipabatid sa inyo, yung 110,000 lahat yun may sim card, lahat ‘yun buwan-buwan may load na 10 gigabite [data],” aniya.

“Mga teacher, ‘wag kayong mag-alala. Bibili tayo ng Wifi connector… ng pocket Wifi, tapos may load din ‘yun. Nire-refill (sic) natin every month. Kaya wala ring [gastos] yung mga teacher natin,” sabi pa nito.

Source :

Facebook