Mariel Padilla ibinahagi ang ugnayan ng paggamit ng ipon sa pagtulong sa kapuwa sa panahon ng COVID-19




Imahe mula sa YouTube video ni Mariel Padilla
  • Ipinagdiwang ng mag-asawang Robin at Mariel Padilla ang ika-5 buwang pagkakasilang ng kanilang bunsong anak
  • Isinagawa nila ito sa makabuluhang paraan: namahagi sila ng relief goods sa kanilang mga kapitbahay
  • Bukod dito, hinikayat din ni Mariel ang mga taong may naipon o may naitabing pera na tumulong din sa kanilang kapuwa

Isang makabuluhang selebrasyon ang isinagawa nina Mariel Padilla at Robin Padilla para sa ika-5 buwan ng kanilang bunsong anak na si Maria Gabriel.

Sa YouTube video ni Mariel na pinamagatang “Gabzy Bear’s 5th Month Celebration: Let’s Share our Blessings,” makikita si Mariel na nagre-repack ng mga relief goods. Katuwang niya ang kaniyang mga kasambahay.

Imahe mula sa YouTube video ni Mariel Padilla

Habang nagre-repack, nagbahagi si Mariel ng mga makabuluhang mensahe tungkol sa pag-iipon at pagtulong sa kapuwa.

“’Yung perang iniipon natin ay para iyon sa panahon na ganito. For example, nag-iipon ka for your future. ‘Yung future na ‘yon ay nagde-depend sa ngayon,” paliwanag ni Mariel.

Ayon pa sa kaniya, kung may kaunting naipon o naitabi ang isang tao, ito na umano ang tamang oras na galawin iyon para naman makatulong sa iyong kapuwa nang sa gayon ay makapagpatuloy pa sila sa kanilang pamumuhay.

Dagdag pa ni Mariel, ang ganitong prinsipyo ang nakapagbigay sa kaniya ng inspirasyon para makatulong sa mga tao sa kaniyang paligid.

“Kasi ang pera, after na ma-solve natin ito o malagpasan natin ang lahat ng ito, pagtatrabahuhan natin iyon ulit. Iipunin. Kikitain natin iyon ulit,” paliwanag niya.

Mas kailangan daw na maisalba natin ang mga taong mas nangangailangan ngayon. At ang mga naitabing ipon ng mga nakaluluwag sa buhay ay maaaring ipantulong.

“So kung mayroon kayo diyan na may kaunting naitabi, hindi naman kailangan na sobra ‘yung maitulong n’yo. Kung ano lang ‘yung kaya n’yo ay iyon lang ang itulong sa mga kapitbahay,” payo pa niya.

Imahe mula sa YouTube video ni Mariel Padilla

Nang matapos ang kanilang pagrere-pack, kumanta silang “Happy Birthday” kay Gabby.

Nakapag-repack sila ng 200 bags na may tig-5 kilong bigas, 5 corned beef, at 5 sardinas.

Siyempre, ang unang nakatanggap ng mga ni-repack ay ang mga kasambahay ng pamilya na binigyan ng tig-10 bag kung saan maaari din nila iyong ibigay sa kanilang mga kapitbahay o kamag-anak nang sa gayon ay maranasan din nila ‘yung masayang pakiramdam na nakapagbahagi sila ng blessings sa iba.

Maaaring panoorin sa ibaba ang YouTube video ni Mariel:

Source :

YouTube