‘Manual’ na pagkuha ng temperatura, kinaaliwan




Imahe mula sa Facebook page na Tagalog Memes / Public Domain Image
  • Kinaaliwan ng mga netizens ang isang larawan na nagpapakita ng ‘manual’ na pagkuha ng temperatura ng isang lalaki
  • Hindi siya gumamit ng thermal scanner o kahit anumang device; sinalat lamang niya ang noo ng lalaking kinuhanan ng temperatura
  • Mahalaga ang thermal scanner sa pag-alam kung may lagnat ang isang tao na kadalasang isa sa mga sintomas ng COVID-19 

Isa sa mga precautionary measures ng mga nagbabalik-operasyong establisyimiento, negosyo, at tanggapan ang pagsasagawa ng thermal scanning bago pumasok dito. Ito ay upang matiyak na walang sintomas ng COVID-19 gaya ng mataas na lagnat ang mga panauhin, customer o empleyado. Kung mataas ang temperatura, hindi maaaring pumasok.

Kaya naman kinaaliwan sa Facebook page na “Tagalog Memes” ang larawan ng isang lalaking “manual” na kinukuhanan ng temperatura ang isa pang lalaki, sa kawalan ng aparatong thermal scanner o kahit thermometer.

Imahe mula sa Facebook page na Tagalog Memes / Public Domain Image

Makikitang sinalat lamang ng lalaki ang noo ng kinukuhanan niya ng temperatura, bagama’t kapwa naman sila nakasuot ng face mask at may nakahandang alcohol din sa mesa. Hindi naman natukoy kung saang lugar ito naganap, kung totoo ito o biro lamang.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Kapameter is the single most effective way to accurately check for fever,” pabirong sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “If you want to check body heat using your hands, please use the dorsal part of your hands, not the palm; dorsal-a hand part which is located opposite of the palm. Ito po yung ginagamit sa pagmamano.”

“Iyan ang tinatawag na calculated temperature hahaha. Medyo delikado rin yang ginagawa ni Kuya kasi puwedeng matransmit ang COVID-19,” pahayag naman ng isa.

Sinasabing ang temperatura na hindi pinapapasok sa mga establisyimiento gaya ng malls at iba pa ay 38 degree Celsius. Kapag ganito, kailangang dalhin ang tao sa pinakamalapit na barangay health center. Dapat ding maging maayos ang paggamit ng thermal scanner sa pamamagitan ng pagtapat sa noo ng taong dadaan sa lugar. Tatlo hanggang limang segundo lamang at makikita na ang temperatura ng tao.

Public Domain Image

Subalit paglilinaw naman ng mga eksperto, maaaring dahil sa init ng panahon ngayon kaya umaabot sa 38 degrees Celsius ang temperatura ng tao.

Sakaling ganito ang mangyari, patabihin at pagpahingahin muna ito nang 3 hanggang 5 minuto bago i-check muli ang temperatura.

Noong kasagsagan ng pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine, maraming naiulat na palpak na paggamit ng thermal scanner sa iba’t ibang entry points.