Madiskarteng mingming, nag-uwi sa bahay ng amo ng manok na maihahain




Imahe mula kay Grace Sones | Facebook
  • Patok sa social media ang larawan ng isang pusa na nag-uwi sa bahay ng amo ng manok na tila bagong bili pa
  • Tinawag siyang “madiskarteng mingming” ng maraming netizens matapos nitong magbitbit pauwi ng isang supot ng manok na pang-ulam
  • Agad ring nag-viral ang larawan at umani ng mga nakaaaliw na reaksiyon sa social media

Naghatid ng good vibes sa social media ang larawan ng isang pusa na naispatang nagbitbit pauwi ng isang plastik na may manok na ready-to-cook.

Imahe mula kay Grace Sones | Facebook

Sa post ng netizen na kinilalang si Grace Sones sa Facebook noong June 2, humingi ito ng tulong para mahanap ang kapitbahay na tunay na nagmamay-ari sa isang plastic ng manok na inuwi ng alaga.

“Baka po may nawawalan po ng [manok galing sa] Chicken Station po sa inyo,” sabi nito sa post.

Natatawang paliwanag niya, “Dinala po kasi ng pusa namin sa bahay. Hindi po namin alam kaninong bahay niya nakuha [ito]. Hahaha! Hay naku, taba.”

Makikita sa larawan na ibinahagi ng netizen ang hilaw na manok na nakabalot pa sa plastic at tila bagong bili pa lang ng may-ari.

Agad namang nag-viral ang larawan ng pusa at umani ito ng iba’t ibang reaksiyon sa social media.

Sa katunayan, umabot na sa higit 32,000 ang natanggap nitong reactions mula sa netizens, habang nasa lagpas 29,000 naman ang nag-share ng post sa Facebook.

Marami rin ang nagpahayag ng kanilang nakaaaliw na saloobin tungkol sa larawan ng “madiskarteng mingming.”

“Buti pa si Mingming may kusa. Ayaw niyang maging pabigat,” biro ni MGC.

“‘Yan po ang sagot. Kung anong gusto ninyong ulam, sabihan niyo lang raw siya. Dadalhan niya kayo ng free foods at free delivery na raw po,” natatawang sabi ni JS.

Imahe mula kay Grace Sones | Facebook

“Ganiyan siya kadiskarte para sa pamilya ninyo,” sabi ni MCA.

“Hay, buti sa inyo ganiyan pusa n’yo. Pusa namin alam na buksan ‘yung ref tapos doon kukuha ng mga pagkain,” ayon naman kay SA.

Source :

Facebook