Luis Manzano: “Akala ko the whole time COVID ang kalaban, UP pala? Congratulations!”




Public Domain Image
  • Pinag-usapan ang Twitter post ng aktor at host na si Luis Manzano
  • Hinggil ito sa pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa “pagkapanalo” ng pamahalaan laban sa prediksyon ng University of the Philipppines sa paglobo ng COVID-19 cases sa 40,000 sa pagtatapos ng Hunyo
  • Ayon kay Luis, UP naman pala ang kalaban at hindi ang mapamuksang virus

‘Pabirong’ nagbigay ng reaksyon si ABS-CBN Kapamilya actor and host Luis Manzano sa pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque nitong Hunyo 30, 2020 na “nanalo” ang Pilipinas laban sa prediksyon ng University of the Philippines o UP na na papalo sa 40, 000 ang kaso ng may COVID-19 sa pagtatapos ng Hunyo.

Ayon sa Twitter post ni Luis, “Akala ko the whole time COVID ang kalaban, UP pala! Congratulations!!” at sinamahan pa ng screenshot mula sa balita ng ABS-CBN News hinggil dito.

Imahe mula sa Twitter account ni Luis Manzano

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Taray no? UAAP season COVID-19 pala ito. Hindi naman nasabi sila pala kalaban,” pabirong sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Next to beat daw—Ateneo and DLSU! Isama na rin natin ang UST. Yehey!”

Pahayag naman ng isa, “Ay pasensya na po Sir, litong-lito na po talaga sila eh. Hindi na po nila malaman sino po ang dapat talunin.”

Sa isinagawang virtual press briefing nitong Martes, ipinahayag nga ni Roque na nanalo ang pamahalaan kontra sa prediksyon ng UP. Itinaas pa niya ang kaniyang kamao bilang pagpapakita ng “tagumpay.”

“We beat the UP prediction po. Panalo na tayo. We beat the UP prediction. Let’s do it again in July. So we are winning,” pahayag niya.

Sinabi ni Roque na nasa 36,438 COVID-19 cases pa lamang ang naitala noong Lunes, kaya imposibleng pumalo kaagad ito ng 40,000 sa pagsapit ng Martes, na katapusan ng buwan ng Hunyo.

Public Domain Image

Matatandaang sinabi ng isang grupo ng mga mananaliksik sa UP na maaaring pumalo sa 40,000 ang bilang mga taong magkakaroon ng COVID-19 sa pagtatapos ng Hunyo, sa kabila ng mga ipinatutupad na community quarantines, hangga’t walang malinaw na direktiba ang DOH kung paano mapabababa ang mataas na bilang nito.