Lolong jeepney driver na hindi makapamasada nanawagan ng tulong sa kalsada




Imahe mula sa ABS-CBN News / Public Domain Image
  • Isang lolong jeepney driver ang nanghihingi ng tulong sa Rizal Avenue sa Maynila
  • Matagal na kasi silang hindi makabiyahe dahil sa ipinatupad na community quarantines
  • Pinayagan nang bumiyahe ang mga makabagong jeepney at napag-iwanan ang mga tradisyonal

Matapos ang masayang paggunita ng “Father’s Day” noong Hunyo 21, 2020 para sa mga “Haligi ng Tahanan,” isang nakalulunos na eksena naman ang nasaksihan sa Rizal Avenue, Maynila noong Lunes nang umaga, Hunyo 22, 2020.

Isang matandang jeepney driver na nagngangalang Alberto Manuel, Jr. ang namataang humihingi ng tulong sa mga nagdaraan dahil halos apat na buwan nang walang kinikita dahil sa pagpapahinto ng pagpasada ng mga pampublikong sasakyan kaugnay ng ipinatupad na community quarantine.

Imahe mula sa ABS-CBN News

Batay sa larawan, makikita si Lolo Albert na nakasuot ng maruming damit na kulay-puti at sirang khaki shorts habang may hawak na sinirang plastic bottle. Sa likuran niya ay may dalawang karatula na ang mensahe ay “Happy Father’s Day po sa kapwa ko Tatay. Salamat po. Kami po ay driver ng jeep. Konting tulong lang po sa mga taong may mabuting kalooban. Salamat po.”

Hindi naman naiwasan ng mga netizens na mabagbag ang damdamin at nagpahayag sila ng reaksyon hinggil dito. Iba-iba rin ang kanilang komento.

“We should be more understanding and considerate. In everything there is a positive and negative consequences in every action and decision. Instead of asking our government what they can do for us, we must ask ourselves what we can do to help our government. Instead of complaining start appreciating. This is just my opinion,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Dapat sa mga nakaupo sa pamahalaan, isantabi muna ang modernization, maawa naman kayo sa mga driver tatlong buwan na po mahigit na walang kita, saan po kukuha ng pambayad sa tubig, kuryente, at upa ng bahay ang mga ito.”

“Sana naman maawa kayo sa mga jeepney driver na halos iyan ang pinagkakakitaan. Kung pwede naman hindi i-rush ang phase out ng mga traditional na jeep; sana kung stable na lang ulit ang ekonomiya para kahit paano magaan naman sa mga driver ng jeep na matulungan ang mga pamilya nila,” wika naman ng isa.

Pahayag naman ng isa, “Abuso na po ginagawa ninyo. Nasaan po mga anak ninyo na dapat sila naman ang maghanapbuhay para sa inyo? Dapat nagpapahinga na po kayo.”

Pinayagan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Disease o IATF ang operasyon ng mga makabagong jeepneys, kaya napag-iwanan ang mga jeepney drivers na umaasa lamang sa kanilang mga nakasanayang tradisyonal na pampasaherong jeepney.