Lola kita ang tuwa nang mabilhan ng smartphone ang apo para sa online schooling nito; netizens naantig




Larawan mula sa Facebook post ni Mico Tan
  • Trending ngayon sa social media ang nakaaantig na larawan ng maglola sa tapat ng isang mall sa Muntinlupa City
  • Makikita kasi ang saya ng lola nang mabilhan ng cellphone ang apo para daw sa online school nito sa pasukan
  • Naipon daw ng lola ang pambili ng cellphone ng kanyang apo mula sa pagtitinda nito ng gulay sa palengke

Maraming mga magulang ang nangangamba dahil sa darating na pasukan, isa ang online schooling sa mga ipatutupad na alternatibo ng Department of Education (DepEd) sa pagbubukas ng klase sa Agosto.  Kahit na sinabi ng DepEd na may mga printed modules naman na ibibigay para sa ilang mag-aaral na walang computer at internet connection, marami ang nag-aalinlangan sa pagiging patas nito sa pagkatuto ng mga bata.

Kaya naman may ilang mga magulang na kahit kapos sa badyet ay gagawin ang lahat upang maibigay ang de kalidad na edukasyon sa mga anak.

Ganito ang diwa ng isang viral Facebook post. Sa in-upload na larawan ni Mico Tan sa kanyang account, makikita ang maglola na handa nang sumabak sa new normal sa paaralan.

Larawan mula sa Facebook post ni Mico Tan

Sa tatlong larawang naka-upload, kita ang isang ginang katabi ang apo habang iniinspeksiyon ang bagong biling android phone. Walang pagsidlan ng saya ang babae habang nakikita niyang ginagamit na ng batang kasama ang bagong biling selepono.

Nakita raw ni Mico ang nakaaantig na eksenang ito sa tapat ng SM Muntinlupa. Tuwang-tuwa rin ang batang lalaki sa cellphone na binili ng katabing babae. Sabi pa ni Mico sa post, ready na raw para sa online class ang estudyante dahil nadiskartehan na ang gagamitin ng bata sa pasukan.

“Kanina nasa SM Munti ako, nag-aabang ng order. Tapos nakita ko sila, binilihan ni nanay yung anak niya ng cellphone. Tuwang tuwa yung bata e. Napaka simple lang. Ready for online class na siya hehehe. A mother’s l0ve,” saad ni Mico sa kanyang post.

Inakala kasi ni Mico na mag-ina ang nasa larawan. Ngunit sa komento ng netizen na si Jhun Jolbiatado sa post ni Mico, apo raw pala ni nanay ang bata at nakakuha sila ng pambili ng cellphone mula sa naipong pera sa pagtitinda ng gulay.

Larawan mula sa Facebook post ni Mico Tan

Dahil dito, agad na nag-viral sa social media ang larawan. Wala pang isang araw ang post ay umani na ito ng 150,000 reactions, 5,000 comments, at 102,000 shares. Nagkomento naman ang mga netizens na napakapalad ng bata na magkaroon ng lolang tulad ng ale sa larawan.

Kahit ano raw ang hamon ng buhay, basta mayroong masisipag at mapagmahal na umaaruga sa mga bata, mananatili raw na puno ng biyaya ang mga ito. Sapat na raw kasing patunay na ang pag-ibig ng magulang o kaanak ay isang biyaya na walang katumbas.