Lalamove rider, naghanap ng lokasyon ng customer sa pamamagitan ng “pinakamaingay na aso”




Imahe mula sa Facebook account ni Ilyvm Gabriel
  • Ibinahagi ng isang part-time delivery rider ang kaniyang nakatutuwang karanasan
  • Pinahanap umano sa kaniya ng customer ang lokasyon ng bahay nito sa pamamagitan ng tahol ng aso
  • Ang bahay raw ng customer ang may pinakamaingay na aso sa kanilang kapitbahayan

Patok na negosyo ngayon ang delivery service lalo pa’t hinihikayat ang lahat na hangga’t maaari ay manatili na lamang sa loob ng mga tahanan kung wala naman gaanong mahalagang gagawin sa labas. Nagsulputan ang iba’t ibang delivery apps gaya ng Grab, Food Panda, at Lalamove. Tulong na rin ito sa mga delivery riders na maaaring nawalan ng regular na trabaho dahil sa epekto ng ipinatupad na community quarantines.

Kuwentong Rider

May isang part-time delivery rider na nagngangalang “Ilyvm Gabriel”, 25 taong gulang, na nagbahagi sa kaniyang Facebook post ng nakatutuwang karanasan hinggil sa paghahanap niya sa lokasyon ng kaniyang customer. Inilakip niya sa post ang kumbersasyon nila ng customer.

Imahe mula sa Facebook account ni Ilyvm Gabriel

“Takte ginawa akong Dog Whisperer, paano ba nasusukat ang vocals ng aso? Maraming  aso hahaha. Goods lang binigyan naman ako ng tip,” ayon sa caption ng kaniyang post.

Makikita sa kanilang kumbersasyon na nasa drop off location na ang delivery rider. Sabi ng kaniyang customer, hanapin lamang niya ang bahay na may pinakamaingay na aso. Tugon naman ng delivery rider, halos lahat ng bahay sa kaniyang paligid ay may aso.

“Napick up ko na po yung item then noong nasa drop off location na ko medyo hirap mahanap yung bahay dahil sa incomplete info sa address. Then noong minessage ko pinapahanap niya sa akin yung pinakamaingay na aso. Eh may mga aso din sa paligid. Tapos sabi niya ulit na sa kanila daw yung may pinakamaingay na aso,” sagot niya sa panayam.

Dagdag pa niya, “Tin-ray ko i-check baka naman malaki aso nila. Eh sobrang clueless po. Tinawagan ko siya. Then pinalabas ko siya. Tapos may ginagawa raw siya kaya di siya makalabas hahaha.”

Imahe mula sa Facebook account ni Ilyvm Gabriel

Hindi gaya ng ibang customer, binayaran naman siya nang sapat ng customer at nag-abot din ng tip.

“Enjoy lang po sa bawat transaction. Minsan sobrang lungkot sa biyahe dahil sa pagod at init pero may mga darating na challenges na bubuo ng araw natin. Intindihin din mga customer,” mensahe at paalala niya sa kaniyang mga kapwa-delivery rider na minsan ay nakararanas ng di-magagandang karanasan at panloloko mula sa ilang mga customers.

Discipline officer sa isang sikat na pamantasan ang delivery rider, at sinubukan lamang ang pagpapart-time sa delivery service habang hindi pa bumabalik sa regular na trabaho. Halos isang linggo pa lamang siya sa ganitong gawain kaya nakatutuwa ang karanasan niyang ito.

Source :

Facebook