Lalaking nagpagawa ng mansiyon para sa kaniyang foster parents, dinakila ang kaniyang ‘ama’




Imahe mula sa Facebook account ni Jayvee Lazaro Badile II
  • Pinagawaan ng isang lalaki ng mansiyon ang kaniyang foster parents na kumupkop sa kaniya
  • Ito ay bilang pagtanaw ng utang na loob sa kanila
  • Malaki ang pasasalamat niya sa mga ito dahil sa pag-aaruga sa kaniya sa kabila ng kahirapan

Ayon nga sa matandang salawikain, “Ang hindi lumingon sa pinanggalingan, hindi makararating sa paroroonan.”

Para sa ating mga Pilipino, walang hanggan ang pagtanaw natin ng utang na loob sa ating mga magulang, o sa mga tumayong magulang para sa atin, na nag-aruga at sumuporta sa atin mula pagkabata hanggang sa sitwasyong kinalalagyan natin ngayon. Hangga’t maaari, ibinabalik natin sa kanila ang pagmamahal na ibinigay nila sa atin.

Isa sa mga nagpatunay nito ang netizen na si “Jayvee Lazaro Badile II” sa kaniyang Facebook post noong unang araw ng Enero 2020, Ginawa niya ang lahat ng kaniyang makakaya upang magantihan ng kabutihan ang pag-ampon sa kaniya ng mga foster parents, na walang ginawa kundi ibigay ang aruga at pagmamahal na kailangan niya mula pagkabata hanggang sa marunong na siyang tumayo sa sariling mga paa.

Imahe mula sa Facebook account ni Jayvee Lazaro Badile II

Salaysay niya, bagama’t mahirap ay pinalaki pa rin siya sa maayos na pamumuhay ng kaniyang foster parents. Ang kaniyang foster mother ay isang tindera habang ang kaniyang foster father ay isang porter. Hindi ikinahiya ni Jayvee na lumaki sila sa kahirapan, at lahat ng ito ay kanilang napagtagumpayan. Nanirahan sila sa isang simple at maliit na tahanan sa loob ng 28 taon sa Bocaue, Bulacan.

“Madalas, binabaha ang mismong loob ng aming bahay, madalas din ay wala kaming sariling supply ng tubig. Dala ng kahirapan, madalas ay nababatakan kami ng kuntador ng kuryente. Siyam na miyembro ng aking pamilya ang nakararanas ng sikip, dumi at init, at kawalan ng maayos na tulugan at kainan. Walang maayos na liguan, walang sarili at maayos na palikuran,” ayon sa kaniyang post.

At nang mabigyan ng pagkakataong umasenso dahil sa kaniyang trabaho, agad niyang sinimulan ang pagpapatayo ng kaniyang pinangarap na mansiyon para sa kaniyang pamilya.

“When Nanay and Tatay adopted me, it wasn’t a good life. Nanay is a vendor, Tatay is a porter. Now that I have the chance to give back to them, I will make sure they will live their dreams better than what they could ever imagine,” saad niya sa isang Facebook post.

Sa pagpasok ng 2020, ipinakita niya ang bunga ng kaniyang pagsisikap para sa kaniyang mga foster parents. Nagpagawa siya ng isang mansiyon na may tatlong palapag, pitong silid, apat na toilet at shower rooms. fully-airconditioned pa ang buong kabahayan at may mga chandelier pa— bagay na kaniyang pinangarap noon.

Kaya naman sa pagdiriwang ng Father’s Day, talaga namang hindi pinalagpas ni Jayvee ang pagkakataon upang maparangalan ang kaniyang foster father.

“Happy Father’s Day, Tatay! Maraming salamat sa pagmamahal na walang kapantay! Mahal na mahal kita!” ayon sa caption ng kaniyang Facebook post.

Imahe mula sa Facebook account ni Jayvee Lazaro Badile II

Kudos sa iyo, Jayvee! Isa kang inspirasyon. Dapat kang pamarisan ng lahat ng anak sa buong mundo!