Ilang mga pasahero napilitang sumakay sa mga truck at patrol cars dahil sa kawalan ng masasakyan




Public Domain Image
  • Dagsa ang mga pasahero sa unang araw ng General Community Quarantine sa NCR
  • Naispatan ang ilang mga stranded na pasahero na nakiangkas sa mga traktora at patrol cars dahil sa kawalan ng masasakyan
  • Nagbigay naman ng iba’t ibang reaksyon at komento rito ang mga netizens

Gaya ng inaasahan, dumagsa na nga ang mga pasahero sa mga lansangan ng National Capital Region matapos ang unang araw ng General Community Quarantine nitong Hunyo 1, 2020 patungo sa kani-kanilang mga trabaho at nang makapaghanapbuhay na para sa kanilang pamilya.

Subalit dahil limitado pa rin ang paglabas ng mga pampasaherong sasakyan sa mga lansangan, at kung mayroon man ay may limitasyon ding sinusunod sa pagpapasakay ng mga pasahero, marami ang walang nagawa kundi ang makiangkas sa mga dumaang traktora, sasakyan ng sundalo, at maging sa mga patrol cars, na naispatan sa Commonwealth Avenue sa Quezon City.

Public Domain Image

Kapansin–pansing hindi na nasunod ang physical o social distancing dahil nagkukumpulan at nag-uunahan ang mga pasahero sa pagsakay. Sa loob naman ng traktora at patrol cars, mapapansin din ang halos siksikan nang mga pasahero.

Umani naman ito ng samu’t saring reaksyon mula sa mga netizens.

“Dapat anticipated na ng gobyerno ito… kawawa talaga ang mga ordinaryong mamamayan sa kagustuhan na mabuhay ang mga mahal sa buhay todo-sakripisyo. Panginoon iligtas ninyo po sila!” sabi ng isa.

Pahayag naman ng isa, “Bawal magkaangkas sa motor ang mag-asawa, pero sa ganito puwede? Ano ba talaga? Ang gulo po ng guidelines ninyo!”

“In a crisis, a leader should have an extensive plan. And everyone should know and understand it. I honestly think these soldiers and police think they are helping the stranded passengers. The plan should have been cascaded to these law enforcers how to handle this situation. Who is accountable for the lack of planning and poor execution?” turan naman ng isa.

Public Domain Image

Sa ibang panig naman ng Maynila, nakaranas ang mga motorista ng bumper-to-bumper na daloy ng trapiko sa Roxas Boulevard, Baclaran, EDSA-Cubao, at sa iba pang mga pangunahing lansangan.

Mula Hunyo 1 hanggang 21, mga piling pampublikong sasakyan lamang ang papayagang bumiyahe sa NCR. Ilan sa mga ito ay ang mga tren, bus augmentation units, taxi, transport network vehicle services, shuttle services, point-to-point buses, motorsiklo, at bisikleta. Ang mga tricycle naman ay nakadepende sa pagsang-ayon ng lokal na pamahalaan.