“Hugot” sa alcohol na nakapaskil sa botika, kinaaliwan




Imahe mula sa Facebook page na Papa / Public Domain Image
  • Kinaaliwan ng mga netizens ang isang paskil sa botika
  • May hugot kasi ito hinggil sa paggamit ng alcohol
  • Huwag na raw gumamit nito lalo’t kung sanay namang magmalinis

Simula nang pumutok ang balita hinggil sa pagkalat ng isang bagong virus mula sa Wuhan, China noong katapusan ng 2019 na tinawag na “Novel Coronavirus” o nCov at kalaunan ay tinawag na ngayong  “Coronavirus Disease” o COVID-19, isa sa mga mabili at talaga namang patuloy pa ring hinahanap at binibili nang maramihan ay ang mga alcohol, na dati ay hindi masyadong pinapansin sa mga pamilihang gaya ng supermarket, botika, at groceries.

Dumating pa nga sa puntong nagkaroon ng pagtatakda sa bilang ng alcohol na maaaring bilhin o ikonsumo ng mga customers, dahil may ilang gumagawa ng hoarding o kaya naman ay panic buying. Kaya naman, kinatuwaan tuloy ang isang paskil na nagpapakita ng isang “hugot” sa alcohol, na nakasulat sa ginupit na karton at naka-display sa mahihinuhang isang botika. Makikita ito sa Facebook page na “Papa”.

Imahe mula sa Facebook page na Papa / Public Domain Image

Mababasa sa paskil na “Huwag ka nang mag-alcohol tutal magaling ka namang magmalinis!” Marahil, ito ay patawang patalastas sa mga customers na wala na silang suplay ng alcohol dahil naubos na.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens. Pati sila ay napahugot na rin!

“Hay naku, sabihin natin iyan sa mga politikong walang ginawa kundi ang magmalinis. Ipinapasa sa iba, partikular sa kanilang mga staff ang sisi ng kanilang incompetence. Bato, bato sa langit ang tamaan huwag magalit! I did not mention any names hahaha,” sabi ng isa.

Turan naman isa, “Ang sabi kasi palagiang maghugas ng mga kamay para mawala ang mga virus at iba pang mikrobyo, pero huwag naman pong gawing literal na lagi na lang hugas-kamay o nagmamalinis. Kitang-kita po kasi ang putik na nakapulapol sa inyong pagkatao!”

Noong Marso naman, pinag-usapan din ang hugot ng isang netizen hinggil naman sa isang estanteng bakante na ang laman para sa mga alcohol at hand sanitizers dahil nagkaubusan na, subalit tila wala namang pumansin sa katabing estante ng mga toothpaste. Biro niya tuloy, “Malinis nga ang mga kamay n’yo, paano naman ang mga bibig n’yo?”

Netizen: “Malinis nga ang mga kamay n’yo, paano naman ang mga bibig n’yo?

Ang pagmamalinis o kilala rin sa idyomatikong pahayag na “hugas-kamay” ay nangangahulugang inililigtas ang sarili mula sa sisi ng ibang tao at inihahayag na wala siyang pananagutan o kasalanan sa mga kapalpakan o kasiraan ng isang tao, bagay, pangyayari, desisyon, organisasyon, o institusyon. Katumbas din ito ng isa pang idyomatikong pahayag na “mga nag-uunahang patakas na daga sa palubog na bangka.”

Sinasabing nagmula ang idyomang “hugas-kamay” sa ginawang akto ni Poncio Pilato nang mapagpasyahang ipako si Hesukristo sa krus ng kalbaryo. Literal na binuhusan ng tubig ang kaniyang mga kamay sa harap ng taumbayan at ipinahayag na wala siyang pananagutan sa anumang mangyayari sa itinuring na “Hari ng mga Hudyo”.