‘Hindi pa huli para matuto,’ masasalamin sa isang Manong na nagbibisikleta nang may ‘apat’ na gulong




Mga imahe mula sa Facebook | Maryrose Reducto at Forward Motion Performance
  • Sa kalagayan ng ating transportasyon, ang bisikleta ang pinakamurang sasakyan na maaaring mabili nang agaran
  • Gayunman, marami sa mga nagbibisikleta ngayon ay mga first timer
  • Sa kabila ng edad, isang lalaki ang nakapukaw ng atensiyon ng mga netizen dahil sa bisikleta nitong apat ang gulong

Sa kalagayan ng ating transportasyon dulot ng COVID-19, napakalaking tulong ng bisikleta para sa pang-araw-araw na pagbiyahe ng mga manggagawa.

Tumaas din ang demand sa merkado ng mga bisikleta dahil ito ang pinakamurang sasakyan. Ngunit maraming eksperto ang nagbabala sa mga first time bikers na hindi madali ang pagbibisikleta lalo na sa kalagayan ng mga kalsada sa Kamaynilaan.

Imahe mula sa Pixabay

Marami din naman ang hindi pa talaga marunong magbisikleta ngunit pinagtitiyagaan ang pagbalanse rito para lang makarating sa trabaho.

Kaugnay rito, isang may-edad na lalaki ang nakunan ng larawan habang papasok sa trabaho. Kapansin-pansin kasi ang bisikletang ginamit nito na may maliit na gulong sa magkabilang gilid na karaniwang ginagamit ng mga nag-aaral pa lang magbisikleta.

Sa Facebook post ng netizen na si Maryrose Reducto, makikita kung paano dumiskarte ang mga Pilipino sa ganitong panahon. Ang nasabing matanda ay nagtiyaga sa pagbibisikleta ng apat ang gulong makapasok lang sa trabaho.

“It was nice to know na maparaan talaga ang Pinoy. Walang transportation, magbike, kaso hindi nga marunong magbike, paano na? Very nice Manong, Salute! Gagawin ang lahat para may maihain sa mesa,” ayon kay Reducto.

Ipinaalala rin niya na hindi kailangang ikahiya ang ganitong sitwasyon dahil marangal ang layunin ni Manong para itaguyod ang pamilya.

Samantala, ibinahagi rin ng Forward Motion Performance ang larawan na nagbigay rin ng paalala sa mga netizen. Gayundin ang matulungan mismo ang taong nasa larawan.

“It’s never too late to learn. You can do it, Kuya. To anyone who knows who this guy, can you please send us his contact details. We will give him free bike fit + helmet and other stuffs he can use for his daily commute. Please don’t laugh at him. Because if I was in his situation I would do the same,” ayon sa post.

Makaraan ang ilang oras, masaya ring ibinalita ng Forward Motion Performance na nakita na nila ang kanilang hinahanap.

Imahe mula sa Facebook post ni Maryrose Reducto

Napag-alaman nila na ito ay si  Manong Alex na nagtatrabaho sa Makati at araw-araw na bumibiyahe mula sa Divisoria na umaabot ng 2 hanggang 3 oras.

Maraming salamat po sa pagtulong kay Manong Alex! Salamat rin sa nag-post na si Maryrose! Mas sumaya si Manong sa kanyang pagbibiyahe.