DOTr nanindigang mahirap ipatupad ang pagpayag sa pag-angkas sa motor ng mag-asawa at mag-partner sa GCQ areas




Larawan mula sa PNA
  • “Hindi” pa rin ang sagot ng DOTr sa panukalang payagan ang back ride sa motor ng mga mag-asawa at magkaanak
  • Ayon sa DOTr, abala raw ang magiging pag-check nila sa ID ng mga magkaanak na magkaangkas
  • Marami din umano ang magpapanggap lang na magkaanak na iniiwasan ng DOTr

Noong nakaraang buwan ay nag-trending sa social media ang paglabas ng ID para sa mga mag-asawa at mag-partner upang payagan silang bumiyahe nang magkaangkas sa motor sa isang barangay sa Aparri, Cagayan. Napa-sana all ang mga netizens dahil magandang proyekto raw ito lalo na sa mga nakatira naman sa iisang bubong.

Angkas certification ID para sa mga mag-asawa at mag-partner, aprubado na sa Aparri, Cagayan

Gayunman, kahit nasa general community quarantine (GCQ) na ang malaking bahagi ng bansa, isang malaking hindi pa rin ang sagot ng Department of Transportation (DOTr) sa pagpayag sa pagbiyahe nang magkaangkas ng mga mag-asawa at mag-partner.

Larawan mula sa PNA

Sa isang pahayag sa DZBB ni Transportation Assistant Secretary Goddes Libiran, mahirap umanong ipatupad ang pagpayag sa angkas dahil aksaya raw sa oras at isang malaking hamon para sa mga enforcers nila na i-check kung magkasama talaga sa bahay ang magkaangkas sa motor.

Giit ni Libiran, mas makasasagabal daw sa biyahe kung iisa-isahin ng mga enforcers sa kalsada ang ID o pagkakakilanlan ng mga bumibiyahe sa motor. Marami din umano ang sasamantalahin ang pagkakataon at magpapanggap na magkaanak kahit hindi naman na iniiwasan ng ahensiya.

“Hindi kakayanin ng enforcers natin na mano-mano at isa-isang i-check ang mga naka-motor para lang mapatunayan kung magkasama ba sa bahay o magkamag-anak ‘yung magka-back ride. Mahirap din i-distinguish kung habal-habal ‘yan o nagpapanggap lang na mag-asawa o magkasama sa bahay,” pahayag ni Libiran.

Nangangamba rin ang DOTr na kung papayagan daw ang panawagan ng publiko na hayaang makabiyahe ang back ride sa motor, susunod na raw dito ang mga panawagan sa jeep, bus, at iba pang pampublikong sasakyan lalo pa’t humihina ang kita ng mga ito ngayon.

Larawan mula sa PNA

“Kung papayagan natin ‘yung back ride, manganganak ‘yan ng ibang requests for exemptions at katanungan. Kasi sasabihin ng mga sumasakay sa jeep, bakit pagbabawalan silang magkakatabi eh pinapayagan naman ang magkakatabi sa motor? Ganun din sa private vehicles pati sa mga bus o sa mga tren,” pagpapatuloy ni Libiran.

Ngunit sinabi naman ni Libiran na ang mga panawagan ng publiko ay ipinararating pa rin nila sa Inter-Agency Task Force (IATF) upang maikonsidera pa rin at mapag-aralan. At dahil wala pang desisyon ang IATF sa ngayon, mananatiling isa lang muna ang maaaring bumiyahe sa mga motorsiklo.