Dahil walang kita, ayuda para sa mga jeepney drivers ngayong Hunyo, inihahanda na ng pamahalaan




Larawan mula sa Facebook post ni Bernadette Reyes at PNA
  • Inihahanda na raw ng Malacañang ang tulong para sa mga tusper ng jeep
  • Marami pa rin kasi sa mga ito ang hindi pa nakabibiyahe kahit GCQ na ang umiiral sa ilang lugar
  • Maaari din daw nilang kuhanin ang mga tsuper bilang contact tracers

Kamakailan ay nag-trending sa social media ang balitang literal na barya-barya na lang naiuuwi ng mga jeepney driver mula sa Cavite. Mapalad na raw sila kung makapag-uuwi ng P100 kita kada araw. Pahayag ng mga tsuper, nagtitiyaga sila para lamang may pambili ng bigas at may makain ang kanilang pamilya.

Walang naiuuwi: Literal na barya-barya, kita ng mga jeepney driver sa Imus, Cavite dahil sa umiiral na quarantine

Dahil sa patuloy na kawalan ng kita, inihayag ni Presidential Spokesman Harry Roque sa isang press briefing na inihahanda na raw ng pamahalaan ang ayudang ipamimigay ngayong Hunyo para sa mga jeepney drivers.

Larawan mula sa Facebook post ni Bernadette Reyes

Ayon kay Roque, dahil maraming tsuper pa rin ang hindi pinapayagang makapasada, sila na raw ang susunod na makatatanggap ng cash aid mula sa gobyerno. Maaari din daw nilang kunin bilang contact tracers ang mga ito upang magkaroon ng trabaho.

“Pinag-aaralan na po na bigyan ng pangatlong buwang ayuda ang mga jeepney drivers na nawalan ng hanapbuhay dahil hindi pa po pinapayagang bumiyahe ang ating mga jeepney,” saad ni Roque.

“Alam naman natin na mahirap talaga ang buhay sa kanila dahil hindi pa sila pinapayagang pumasada so hinahanda na po ang additional ayuda just for jeepney drivers.”

Matatandaan din na mayroong anim na jeepney driver ang naaresto sa Caloocan dahil sa ginawang protesta ng mga ito sa pagbabawal na bumiyahe ang mga jeep. Ayon sa mga nadakip, ginawa lang daw nila ito dahil kailangan nilang kumita.

Larawan mula sa PNA

Nasa higit P496 million na umano ang kabuuang halagang naipamahagi ng pamahalaan sa mga tsuper pa lamang na nawalan ng trabaho dahil sa lockdown, kabilang ang mga nagmamaneho ng transport network vehicle service (TNVS) at iba pang public utility transportation.

Sa ngayon daw, malabo pang payagan muling makabiyahe ang mga jeep sa ilang lugar sa bansa dahil sa pangambang hindi masunod ang physical distancing sa loob ng sasakyang ito.