Batang 7-anyos, cake na gawa sa basahan ang handa noong kaarawan niya; binigyan ng totoong cake ng ilang nagmagandang-loob




Larawan mula sa video ni Rosalyn Fernandez
  • Umantig sa maraming netizens ang video ng isang bata na cake na gawa sa basahan ang handa noong kaarawan niya
  • Hiling ng bata, sana ay magkaroon siya ng totoong cake na hindi nila kayang mabili ngayon
  • Hindi naman siya nabigo dahil nagmagandang loob ang magpipinsan para mabigyan siya ng cake at mga handa

Sa panahon ng quarantine, maraming Pilipino ang naging payak ang pagdiriwang ng kanilang kaarawan. Kahit ang mayroong sapat na pera ay tanging sa bahay lamang nagdiwang, kasama ang mga kaanak dahil bawal ang mass gatherings sa ngayon.

Pero ang ilang kapus-palad nating kababayan, may pandemya man o wala, nananatiling ordinaryo ang kaarawan nila dahil sa kawalan ng pera para maghanda. Ganito ang kuwento ng isang pitong taong gulang na batang babae mula sa Barangay San Rafael, San Jose del Monte, Bulacan.

Larawan mula sa video ni Rosalyn Fernandez

Dahil walang sapat na badyet sa anumang handa, ginawan ni Rosalyn Fernandez, nanay ng batang si Angel, ng cake na mula sa pinagtagpi-tagping basahan ang kanyang anak. Nilagyan lang nila ito ng kandila at sinabing i-imagine na lang daw muna ng bata na tunay na cake ang handog ng ina para sa anak.

Ayon sa Facebook post ni Rosalyn, para daw siyang naiiyak nang mapanood ang video ng anak. Wala raw kasi talaga silang kapera-pera noon at hindi pa nga nagtatanghalian nang kuhanan ang video. Nire-upload naman ang video ng page na Balitang SJDM kung saan maraming netizens ang naabot ng nakaaantig na kuwento ng mag-ina.

At ilang araw matapos mai-upload ang video sa Facebook, ilang magpipinsan ang tumugon sa munting hiling ng bata na magkaroon ng totoong cake sa kanyang kaarawan. Sinurpresa ng magpipinsan mula sa Barangay Tungkong Mangga si Angel at binigyan ng handa.

Ibinalita ng Balitang SJDM page ang ginawang pagmamalasakit ng magpipinsan kay Angel. Nagbigay sila ng totoong cake na sinamahan pa ng ice cream, fried chicken, at mga lobo para kumpleto ang kanilang magiging selebrasyon.

Larawan mula sa Balitang SJDM Page

Maraming netizens ang natuwa sa pagmamagandang-loob ng magpipinsan sa isang batang hindi naman nila kaano-ano kaya naman agad ring nag-viral sa social media ang kanilang kuwento. Ayon sa mga netizens, sana raw ay mas marami pang biyaya ang dumating sa magkakaanak na ito na hindi nag-atubiling tumulong sa iba.

Agad namang nag-picture taking si Angel at kanyang pamilya sa kanilang munting selebrasyon ng kanyang kaarawan ngayong may handa na sila mula sa mabubuting loob. Kitang-kita ang saya sa mukha ni Angel habang hinihipan ang kandila na nasa ibabaw ng tunay na cake.

Panoorin ang video ni Angel at ang kanyang cake na gawa sa basahan: