Aerial survey ni Police Lt. General Guillermo Eleazar sa Cebu inulan ng mga puna




Imahe mula sa ABS-CBN News/Public Domain Image
  • Pinuna ng mga netizens ang isinagawang aerial survey ni Police Lt. General Guillermo Eleazar sa Cebu City noong Sabado
  • Masyado raw kasing mataas ang kaniyang lokasyon, na tila bagyo, baha o iba pang kalamidad ang kaniyang sinusuri
  • Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens

Nagsagawa ng aerial survey si Joint Task Force COVID-19 Shield commander Police Lt. Gen. Guillermo Eleazar sa Cebu City noong Hunyo 27, 2020 na kasalukuyan pa ring nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine o ECQ dahil sa patuloy na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 doon.

Ayon kay Eleazar, batay sa kaniyang pagtanaw mula sa itaas habang sakay ng helicopter, mistulang ghost town ang Cebu City dahil lahat ng tao ay kinakailangang nasa loob ng kani-kanilang mga tahanan. Istrikto kasi ang pagpapatupad ng lockdown dito na nagsimula noong Hunyo 16, 2020 sa atas na rin ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Imahe mula sa ABS-CBN News

Subalit pinuna ng mga netizens ang kuhang video ni Eleazar habang isinasagawa ang aerial survey, dahil masyado raw malayo ang kuhang shots, na maihahalintulad sa aerial survey na isinasagawa kapag may bagyo, baha, o pagyanig. Tila “namamasyal” lamang daw ang opisyal ng joint task force para sa pagsugpo ng COVID-19 sa Cebu City.

“Haha kita ba sa taas sino walang face mask, o walang social distance na 1 or 2 meters? Para saan ang aerial surveillance na ‘yan? Para lang may masabi na may ginawa or nag-aaksaya lang ng fuel? Basta ewan bahala na kayo update us na lang pagtanaw n’yo na virus sa taas okay,” pahayag ng isa.

Turan naman ng isa, “Sa pamamagitan po kasi ng aerial survey makikita po nila kung saan naninirahan ang isa sa mga anak ni COVID-19; ito po ang mabisang paraan para mapuksa ang virus dito sa Pilipinas. Sana po maintindihan po ninyo at manalangin tayo na matatagpuan na nila ito… char!” biro naman ng isa.

Public Domain Image

“Sana drone shots na lang ginawa nila, katulad sa Pasig City. Sir Guillermo, hope you had a safe flight. I reckon you have the same perspective as an eagle. How can you view if people are practicing social distancing at that altitude? I need to get those eyeglasses of yours so I can see where the loaned money of this government is being spent,” sabi naman ng isa.

Subalit may ilan din namang netizens na nagtanggol sa kaniya.

“Ang rereklamo po ninyo, hindi ba puwede sina-survey po lang yung perimeter ng lockdown, galing pa Maynila ‘yan masipag na heneral na ‘yan para bigyan kayo ng pansin, wala na matino sa inyo, kayo na lang umupo sa gobyerno,” wika ng isa.

Pahayag naman ng isa, “Buti nga may ginagawa eh.. kayo bang puro dakdak, may ginagawa ba para sa mga kababayan natin? Manahimik na lang kasi kung wala namang matinong sasabihin!”

Nakapagtala ang Cebu City ng mahigit 4,400 COVID-19 cases; maituturing na pinakamataas sa lahat ng lungsod sa bansa. Kaya naman nagpadala sila ng karagdagang mga medical personnel mula sa hanay ng mga militar na magsisilbing health workers sa naturang lungsod.

Public Domain Image