36-anyos na empleyado naglakad mula Cavite hanggang Makati para makapagpa-rapid test, makapasok sa trabaho




Imahe mula sa Youtube video ng GMA News
  • Tiniis ng isang 36-anyos na empleyado ang paglalakad mula Cavite hanggang Makati upang makakuha na ng rapid test at makapasok muli sa pinagtatrabahuhan
  • Ayon sa panayam ng GMA kay Leonel Antones, hatinggabi pa lang ay sinimulan na niya ang paglalakad patungo sa kanilang tanggapan
  • Hindi naman umano siya maaaring umangkas sa motor dahil alam niyang ipinagbabawal pa ito ng mga awt0ridad

Tiniis ng isang 36-anyos na empleyado ang paglalakad mula sa kanilang bahay patungo sa lugar kung saan siya nakatakdang makapagpa-rapid test bilang requirement para makabalik na siyang muli sa trabaho.

Imahe mula sa Youtube video ng GMA News

Sa ulat ng GMA, namataan nila ang lalaking empleyado madaling araw noong Martes, June 2, na naglalakad sa kahabaan ng isang kalsada sa Parañaque City.

Sa panayam ng media sa lalaki, napag-alaman nilang hatinggabi pa lang ay sinimulan na ni Leonel Antones ang paglalakad mula sa kanilang bahay sa Bacoor, Cavite papunta sa kanilang opisina sa Makati City.

Ayon kay Leonel, naka-schedule siyang sumailalim sa rapid test sa araw na iyon, at kapag nag-negative siya ay maaari na siyang makabalik sa trabaho sa isang construction.

Hindi naman umano siya maaaring umangkas sa motor dahil alam niyang ipinagbabawal pa ito ng mga awt0ridad kaya mas pinili niyang maglakad na lang.

“Magpapahatid sana ako [kaya lang] bawal naman ang angkas, eh. Kaya naglakad na lang ako,” ani Leonel.

“Sakit ng paa ko,” pabirong daing niya.

Nang tanungin naman ng media kung hindi ba natatakot si Leonel para sa kaniyang kaligtasan gayung madidilim ang mga daan at mag-isa lamang siyang naglalakad simula pa madaling araw, natatawang sagot na lamang ang ibinigay ng lalaki.

“Wala naman silang makukuha sa akin,” aniya.

Imahe mula sa Youtube video ng GMA News

Nakiusap si Leonel sa pamahalaan bilang isa sa mga ordinaryong mamamayan na nakararanas ng ganitong sitwasyon upang makapaghanapbuhay: “Sana kung pinayagan na nilang magtrabaho, magbukas na ‘yung mga establishment, dapat pinag-isipan naman nila,” sabi ni Leonel.

“Kawawa naman ‘yung mga taong nahihirapan maglakad sa kagustuhan na makapasok [sa trabaho],” dagdag pa niya.

Hindi naman kasi lahat ay may sasakyan o may kakayanang magpasundo at hatid.

Source :

GMA, Youtube