Wow Mali! Netizen na nag-react sa ABS–CBN shutdown, nagreklamo sa maling “NTC”




Imahe mula sa Twitter account ni LoveLoveLove/Public Domain Image
  • Isang Twitter user ang hindi nakapagpigil na magbulalas ng kaniyang saloobin sa pagkakatigil sa ere ng ABS–CBN Kapamilya Network
  • Nagkamali nga lamang siya ng naitag; ang NTC na nai–tag niya ay National Teachers College sa Maynila
  • Ang NTC na nais talagang i–tag ng Twitter user ay National Telecommunications Commission 

Ikinagulat ng mga “Solid Kapamilya” ang biglaan at pansamantalang pamamaalam sa ere ng ABS–CBN Kapamilya Network noong Martes ng gabi, Mayo 5, 2020, alinsunod sa cease and desist order ng National Telecommunications Commission o NTC dahil sa pagkapaso ng kanilang congressional franchise noong Lunes, Mayo 4, 2020.

Marami sa mga netizens ang nagbulalas ng kanilang mga hinaing, saloobin, pagkadismaya, at simpatya sa nangyari, kaya ang ilan sa kanila ay direktang nagpahayag ng damdamin sa Twitter account ng NTC. Subalit isang Twitter user na nagngangalang “LoveLoveLove” ang nagkamali ng pagkaka–tag sa kaniyang Twitter post matapos namang i–retweet ang Twitter post ni Asia’s Songbird Regine Velasquez–Alcasid.

Imahe mula sa Twitter account ni LoveLoveLove

Sa halip kasi na National Telecommunications Commission, ang National Teachers College sa Maynila ang na–tag ng Twitter user. Agad namang tumugon at nagpaliwanag ang NTC Manila, “Hi, hindi po kami ang National Telecommunications Commissions. God bless.”

Dagdag pa ng NTC Manila, “We are @NTCManila po. National Teachers College may not have the power over broadcasting networks but we have the capacity to change the world through EDUCATION.”

Agad namang humingi ng paumanhin ang naturang Twitter user sa nangyaring ito, sa isa pang Twitter post.

“Yung tweet ako nang tweet kanina mali pala ang na-tagged ko haha sorry naman… #NoToABSCBNShutdown
@ABSCBN @TVPatrol,” ayon sa kaniyang post.

Nagdulot naman ito ng katatawanan sa mga kapwa netizens.

“Hahaha, next time po be careful sa mga itina–tag. Baka mamaya iba na pala iyan, ikapahamak mo pa iyan,” payo ng isang netizen.

Turan naman ng isa, “Sumakit ang tiyan ko kakatawa nang mabasa ko ito. Hello NTC… may message po sa inyo yung netizen.”

Public Domain Image

Matatandaang isang netizen naman ang nagkamali sa napadalhan niya ng mensahe hinggil sa cash assistance. Sa halip na DOLE o Department of Labor and Employment, naipadala niya ito sa Dole Food Company, American agricultural multinational corporation na kilala bilang “largest producer” ng prutas at gulay na nasa lata, sa buong mundo. Dahil pinag–usapan, tuluyan siyang nakatanggap ng cash assistance mula sa kompanya.