World-class architecture sa Pilipinas, saan nga ba makikita?




Public Domain Image
  • Itinala ng “Esquire Mag” ang ilang mga gusaling maituturing na “world–class” dahil sa mahusay nitong arkitektura
  • Ito ay ang Zuellig Building, San Sebastian Church, Mactan Cebu International Airport, Philippine International Convention Center o PICC,  Pearl Farm Beach Resort, at UST Main Building
  • Hindi rin nawala sa listahan ang ating “bahay–kubo” na tatak ng ating pagka–Pilipino

Isa sa mga maaaring pagbatayan na maunlad ang isang bayan o lungsod ay ang matatayog at magagandang gusali o establishments na nakatirik dito. Marami sa mga lugar sa Pilipinas ang nagtataglay at kinatatayuan ng mga kahanga–hangang estrukturang nagpapakita ng mahusay at masinsing arkitektura.

Itinampok sa “Esquire Mag.” ang iba’t ibang mga gusali na may kahanga–hangang arkitektura na matatagpuan sa iba’t ibang mga lugar sa Pilipinas. Una sa listahan ang “Zuellig Building” na may 33 palapag at matatagpuan sa lungsod ng Makati. Labis na hinahangaan dito ang all-glass facade, na hindi lamang ginawa upang magbigay ng aestetikong disenyo, kundi upang makatipid sa enerhiya at mabawasan ang init dahil sa low emissivity coating.

Public Domain Image

Sumunod, pasok sa listahan ang “San Sebastian Church” na nakatirik na noon pang 1890, na matatagpuan naman sa Maynila. Hindi lamang ito “National Historical Landmark” kundi itinuturing din itong “National Cultural Treasure”. Noong una raw, gawa lamang ang simbahan sa kahoy, subalit dahil na rin sa iba’t ibang mga nagdaang kalamidad at pangyayari sa kasaysayan, ni–renovate ito at ginamitan ng mga bakal. Sinasabing inspirasyon ang anyo nito sa
“Gothic Burgos Cathedral” na matatagpuan sa bansang Espanya.

Nariyan din ang “Mactan Cebu International Airport” sa Cebu City. Pinakamagandang terminal nito ang “Terminal 2” kung saan kinilala pa sa 2019 World Architecture Festival dahil sa ganda nito, at tinalo pa ang Jewel Changi Airport sa Singapore at Barangaroo Ferry Wharf sa Australia para sa kategoryang Completed Buildings-Transport.

Kabilang din sa listahan ang PICC o Philippine International Convention Center, ang itinuturing na kauna–unahang international convention center sa buong Asya. Dinisenyo lamang naman ito ng Pambansang Alagad ng Sining sa Arkitektura na si Leandro Locsin.

Hindi rin pahuhuli ang “Pearl Farm Beach Resort” sa Davao City na dinisenyo ng isa pang Pambansang Alagad ng Sining sa Arkitektura na si Francisco “Bobby” Maños, at kinilala pa sa 7th ASEAN Green Hotel Standard Awards for the Philippines at ASEAN Tourism Forum.

Public Domain Image

Kasama rin sa listahan ang University of Santo Tomas Main Building na itinuturing na isa sa mga pinakamatatandang pamantasan sa Pilipinas at sa buong Asya. Bukod diyan, kinokonsidera din ito bilang kauna–unahang quake-resistant proof building sa Asya.

At syempre, sa kabila ng lahat ng modernong mga gusaling ito, nariyan din ang ating “Bahay–Kubo” na tatak ng ating pagka–Pilipino. Ang mga pangunahing kasangkapan nito ay gaya ng kawayan ay matibay at hindi basta napapabagsak ng hangin o bagyo. Sa katunayan, ang ating pambansang bahay ang naging inspirasyon ng isang inhinyero sa pagbuo ng modernong sky crappers.

Nakabibilib, hindi ba?