Walang naiuuwi: Literal na barya-barya, kita ng mga jeepney driver sa Imus, Cavite dahil sa umiiral na quarantine




Larawan mula sa Facebook post ni Bernadette Reyes
  • Literal na barya na lang daw ang kinikita ng mga jeepney driver sa Cavite dahil sa tumal ng pasahero
  • Nasa 100 piso na lang daw ang naiuuwi nila para sa kanilang pamilya kada biyahe
  • Nagtitiyaga raw ang mga driver na pumasada para kahit papaano ay may pambili ng pagkain

Matapos ang ilang buwan na pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) sa Luzon, ngayon ay binago na ito at ginawang general community quarantine (GCQ) na mas maluwag at pinahihintulutan ang pagbiyahe ng mga pampublikong sasakyan.

Gayunman, kahit na pinapayagan na ang mga sasakyan tulad ng jeep, ang malungk0t na balita ay hindi pa rin masasabing kumikita ang mga tsuper dahil sa mas kakaunting pasahero sa mga lungsod at lalawigan.

Larawan mula sa Facebook post ni Bernadette Reyes

Sa Facebook post ng Kapuso journalist na si Bernadette Reyes, inilahad nito na ang mga jeepney driver sa Imus, Cavite ay literal na barya-barya na lang ang kitang naiuuwi sa kanilang pamilya. Ayon sa panayam ni Reyes kay Mang Angelo, limitado pa rin ang biyahe nila at mas kakaunti na ang naisasakay nila sa jeep ngayong GCQ.

Dahil sarado pa ang Bacoor, Cavite kaugnay sa modified enhanced community quarantine (MECQ), paikot-ikot lang daw sila ngayon sa Imus at mas maikli ang biyahe. Dahil dito, mapalad na raw silang makapag-uwi ng 100 piso para sa pamilya at magkaroon ng 200 pisong boundary.

“Barya lang ang kinita ng jeepney driver na si Mang Angelo sa maghapong pamamasada sa Imus, Cavite. Bukod sa iilang pasahero lang ang naisasakay dahil sa physical distancing, hindi rin siya makatawid ng Bacoor para makapagsakay ng ibang pasahero dahil nasa MECQ pa ang lungsod,” pahayag ni Reyes sa kanyang post.

Kalakip din ng kuwento ni Mang Angelo ay ang mga larawan ng lalaki sa loob ng jeep na binibilang ang baryang kinita sa maghapong pamamasada. Kung dati ay panukli lang ang nasa bahaging unahan ng jeep, ngayon ay ito na ang kinikita nila.

Larawan mula sa Facebook post ni Bernadette Reyes

Pero kahit barya lang ang kita ng tsuper, tinitiyaga niyang suungin ang mga kalsada kahit may banta pa ng pandemya upang may pambili sila kahit isang kilong bigas lang. Ngunit sa kabila ng dinaranas, naniniwala pa rin siya na may awa ang Diyos.

“Kung bakit sa kabila ng maliit na kita, bumibiyahe pa rin si Mang Angelo, ang 100 pesos ay makabibili na raw ng isang kilong bigas at ulam sa mag hapon. Nagtapos ang aming pag-uusap sa mga salitang, ‘may awa ang Diyos’,” dagdag ni Reyes sa viral post na may 16,000 reactions na ngayon.