Usapang role playing: Ano ang alaala mo sa mga ginagawang dula-dulaan o role playing sa inyong klase?




Larawan mula sa komento ni Jonathan Bristol at Alyssa Jesalva at FB post ng Rant
  • Binalikan ng mga mag-aaral ang kanilang hindi malilimot na alaala sa mga role playing sa eskwela
  • Ayon sa kanila, isa ito sa pinakamasayang bahagi ng kanilang landas bilang mag-aaral
  • Iba-iba ang role na nakatoka sa bawat mag-aaral, depende sa kanilang kayang maiambag para sa dula-dulaan

Ngayong tuloy na ang pagpapatupad ng new normal sa mga paaralan dahil sa pandemya, maraming mag-aaral ang mami-miss ang kanilang mga kaklase at ang masasayang ganap sa loob ng classroom. Marami kasing alaala ang nabubuo sa pakikihalubilo sa buong klase at kung minsan ay kalahok ang guro sa mga eksenang masaya at nagpapatibay ng samahan.

Isa sa mga hindi muna magagawa ng mga mag-aaral ngayon ay ang mga dula-dulaan o role playing. Kadalasang bahagi ito ng mga aralin upang makita ang kasanayan ng mga mag-aaral sa paggawa ng script, pag-aanalisa ng mga suliranin o paksa, at maging ang pagkamalikhain.

Larawan mula sa komento ni Jonathan Bristol

Kadalasang nasa subject na English at Filipino ang mga gawain sa dula-dulaan ngunit maaari din naman itong isagawa sa iba pang asignatura. At dahil halos lahat ng mag-aaral ay dumaan sa yugto ng paggawa ng mga dula-dulaan, naging trending na usapan ito sa social media.

Sa Facebook page na Rant, tinanong nila ang mga netizen kung ano ang kanilang alaala sa pagsasagawa ng mga role playing. Marami ang tumugon dahil umabot sa 2,100 ang comments, kasama pa ang 10,000 reactions at 41,000 shares.

Ayon sa mga sumagot, isa sa mga hindi nila malilimutan ay ang ginagawang practice. Madalas ay ginagawa ito pagkatapos ng klase o bago pumasok sa eskwela. Kanya-kanya raw sila ng toka mula sa gagawa ng script na kadalasan ay ang may pinakamataas na honor o top.

Ang mga malikhain naman at magaling sa arts ang naka-assign sa paglikha ng props. Habang ang mga confident naman at may husay sa pag-arte ang magiging mga aktor. Kung ayaw namang umarte at wala pang role, mapupunta sa kanya ang pagiging narrator ng kuwento.

Larawan mula sa komento ni Alyssa Jesalva

Pero ang ilang grupo, sanay na raw sa impromptu na pagtatanghal. Wala na raw practice-practice pa, diretso na raw salang sa klase at kanya-kanyang hula ng script. Kapag ganito raw ay mas nagiging kwela at masaya ang pagtatanghal nila.

May isang netizen namang nagbahagi ng kanyang kuwento na dahil kulang ang babae sa kanilang cast, ginawa raw muna siyang isang dalaga at sinuutan ng mga damit pambabae upang mairaos lamang ang kanilang munting dula.

Ikaw, ano ang hindi mo malilimot na alaala sa paggawa ng mga role playing sa school?