“Semi-rich lang po kami”: Kalahating kotse at kalahating motorsiklong sasakyan, namataan




Imahe mula sa Facebook account ni Allan Adovas / Public Domain Image
  • Kinaaliwan ng mga netizens ang isang larawan na nagpapakita ng kakaibang sasakyan
  • Kalahating kotse at kalahating motorsiklo kasi ito na tinalo pa ang isang tricycle
  • Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon mula sa mga netizens

Likas na mapamaraan ang mga Pilipino. Anuman ang sitwasyon natin, nakaiisip pa rin ang marami ng iba’t ibang paraan kung paano maiaagpang ang anumang hirap na kanilang pinagdaraanan. Minsan, nakagugulat ang mga naiisip ng ilan, na masasabi mo na lamang, “Puwede pala ‘yon?”

Gaya na lamang ng larawang ibinahagi ng netizen na nagngangalang “Allan Adovas” sa kaniyang Facebook post na nagpamangha sa mga netizens. Disclaimer ni Allan, hindi sa kaniya ang orihinal na larawan, na nagpapakita ng isang sasakyan na kalahating kotse at kalahating motorsiklong sasakyan na bumibiyahe sa kalsada, na hindi naman tinukoy kung saang partikular na lugar.

Imahe mula sa Facebook account ni Allan Adovas

Saad ng caption, “wala eh SEMI-RICH lang kami… sorry naman…”

Umani naman ito ng iba’t ibang komento mula sa mga netizens.

“Wow ang cool… paano kaya ginawa iyan? Kung kalahating kotse at motorsiklo, kailangan ba dalawa rin ang plate number? Medyo confusing,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Ang taba ng utak! Hahaha. Pero hindi ba parang delikado iyan?”

“Iyan ang mga Pilipino, sadyang mapamaraan! Pero ang tanong, kapag ganiyan ba ang sasakyan hindi huhulihin ng mga awtoridad? Allowed ba ang ganiyang mga sasakyan sa kalsada?

Dalawa sa mga pangunahing sasakyang pinipili ngayon ng mga tao, lalo na ang mga nagnanais ng private vehicle, ay ang mga motorsiklo at kotse. Mas madali kasing makalusot sa masisikip o makikitid na eskinita, daanan, o lansangan ang mga motorsiklo. Mas mabilis ding makararating sa destinasyon. Maaari ding mag–angkas. Tinatawag namang “tricycle” ang motorsiklong may nakakabit na side car, na madalas ay ipinamamasada.

Sa kabilang banda, may panganib din sa pagsakay sa motorsiklo. Kinakailangang maingat sa pagmamaneho nito. Kailangan ding magsuot ng helmet bilang proteksyon sa ulo, kung sakaling mapatibuwal o makaengkuwentro ng aksidente sa kalsada habang nagmamaneho o nakaangkas.

Public Domain Image

Hindi rin iminumungkahi ang pagmamaneho nito kapag nakainom o intoxicated Batay sa datos ng MMDA, ang mga naitatalang kaso ng aksidente sa kalsada ay kadalasang may kinalaman sa pagmamaneho ng motorsiklo.