“Proteksyon nga kasi!” Netizen ibinahagi ang nakatatawang karanasan sa bangko




Imahe mula sa Facebook account ni Jay/Public Domain Image
  • Ibinahagi ng isang netizen ang kaniyang nakatutuwang karanasan sa bangko
  • Inakala niya kasing ibang bagay ang “finger cot” na iniabot sa kaniya ng babaeng bank teller
  • Umani naman ito ng iba’t ibang komento mula sa mga kapwa netizens

Simula nang magkaroon ng COVID–19 pandemic, naging pamilyar ang madla sa paggamit at pagkilala sa iba’t ibang mga medical protective gears upang maiwasang makapitan ng mapamuksang virus. Bukod sa iba’t ibang uri ng face masks, nariyan din ang PPE o Personal Protective Equipment na ginagamit ng mga healthcare workers, at iba’t ibang uri ng face shields at gloves.

Kaya naman, ibinahagi ng isang netizen na nagngangalang “Jay” ang nakatutuwa niyang karanasan sa isang bangko. Salaysay niya sa kaniyang Facebook post, nagtungo siya sa bangko upang mag–withdraw ng pera. Nilapitan siya ng isang babaeng empleyado at inabutan ng isang maliit na plastic, na naglalaman ng isang tila gomang pahaba.

Imahe mula sa Facebook account ni Jay/Public Domain Image

“Kahapon habang nasa bangko ako, nakita ko ang haba ng pila ng mga mag-wiwithdraw. So no choice kaya ang ginawa ko umupo muna ako. Maya maya may lumapit sa aking babaeng empleyado ng bangko sabay abot ng nasa maliit na plastic, pagtingin ko napangisi ako, hindi ko alam kung tama ba iniisip ko,” ayon sa kaniya.

Malisyosong sinabi ng netizen na tila hindi raw niya magagamit ang naturang “rubber” dahil hindi raw kakasya sa kaniya. Natawa ang babaeng empleyado, at sinabing isinusuot daw iyon sa daliri kapag pipindot na sa ATM. Natawa na lamang ang netizen sa kaniyang naisip. Mukhang hindi kasi siya pamilyar dito.

Umani naman ito ng iba’t ibang komento mula sa mga netizens.

“Ang dumi kasi ng isip! Hahaha. Finger cots tawag diyan, ginagamit yan ng mga production personnel sa mga electronics company,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Huwag kasing judgmental! Hahaha.”

Ang iniabot ng babaeng empleyado sa netizen ay tinatawag na “finger cot” na kadalasang ginagamit ng mga nagtatrabaho sa bangko, electronic companies, at iba pang industriya, upang protektahan ang daliri laban sa bacteria, virus, at iba pang germs na kadalasang kumakapit sa mga bakal. Ito ay gawa sa rubber o goma.

Public Domain Image