Paraan upang makatulong ang mga ‘experienced’ biker sa mga beginner transport cyclists, ibinahagi ng netizen




Imahe mula sa Facebook video ni Ramir Angeles
  • Idinetalye ng isang netizen ang isa sa mga puwedeng gawin ng mga “experienced” biker upang makatulong sa mga baguhan pa lamang sa paggamit ng bisikleta sa kalsada
  • Ani Ramir Angeles, maaari itong sundin ng experienced na siklista na hindi nagmamadali, may sapat na visibility cycling gear, at tamang confidence na pakikipagsabayan sa ibang matutulin na sasakyan
  • Marami naman ang nagpaabot ng pasasalamat sa netizen dahil sa malasakit nito sa mga baguhan na kinakailangang gumamit ng bisikleta para makarating sa kani-kanilang destinasyon

Dahil sa posibleng pagdami ng mga beginner transport cyclists, minabuti ng isang netizen na ibahagi ang isang paraan upang makatulong ang mga gaya niyang experienced biker sa mga baguhan.

Imahe mula sa Pixabay

Sa post ni Ramir Angeles sa Facebook noong May 18, idinetalye niya ang maaaring gawin ng mga dati nang gumagamit ng bisikleta sa kalsada para makatulong sa mga posibleng bago pa lamang rito.

Nagbahagi rin siya ng video para ipakita kung paano aktuwal na ginagawa ang kaniyang mga paalala.

“Kung ikaw ay experienced na siklista na pumapasok ngayon at may makasalubong ka na beginner transport cyclist na maaaring vulnerable sa kalsada (at hindi ka naman nagmamadali), pwede mo ito gawin to protect your fellow cyclist,” sabi niya sa post.

Ani Ramir, importante na maglaan ng sapat na distansiyang mula sa sarili hanggang sa likuran ng ginagabayang vulnerable cyclist. Dapat din umanong nasa kanan ang sinusundang biker, habang ang sarili naman ay nasa kaliwa nito.

“Ang mga mag-o-overtake na motor o sasakyan, kailangan bigyan ka ng kaunting space, at dahil nasa kanan mo ang siklista sa harap, mas malaki ang magiging space niya, with less chance to swerve into a vehicle,” paliwanag niya.

“Kapag [makitid] ang kalsada, hand signal and take the lane,” dagdag pa niyang paalala.

Ayon pa kay Ramir Angeles, maaari itong sundin kung ang experienced na siklista ay hindi nagmamadali, may sapat na visibility cycling gear, at tamang confidence na pakikipagsabayan sa ibang matutulin na sasakyan.

Marami naman ang nagpaabot ng pasasalamat sa netizen dahil sa malasakit nito sa mga baguhan na kinakailangang nang gumamit ng bisikleta para makarating sa kani-kanilang destinasyon ngayong limitado pa rin ang pampublikong transportasyon.

Source :

Facebook