Panawagan ng netizen: “Mahalin at pahalagahan natin ang ating mga magulang”




Imahe mula sa Facebook account ni Ambon John
  • May panawagan ang isang netizen sa lahat ng mga katulad niyang anak
  • Mahalin at pahalagahan ang mga magulang habang sila ay nariyan
  • Ibinahagi niya ang isang pangyayari sa kanilang tahanan kung bakit niya nasabi ito

Ayon nga sa isang kasabihan, kayang tiisin ng mga anak ang kanilang mga magulang, subalit hindi kayang tiisin ng mga magulang ang kanilang mga anak. Gagawin ng isang responsableng magulang ang lahat upang mapaligaya at maibigay ang mga pangangailangan ng anak.

Subalit kabaliktaran ang nangyari sa netizen na si “John” matapos niyang ibahagi sa kaniyang Facebook post ang kaniyang mensahe para sa lahat, na mahalin at pahalagahan ang ating mga magulang. Hindi niya kasi natiis na hindi kainin ang nilutong ulam ng kaniyang Mama, na hindi naman kinain ng kaniyang kapatid, dahil medyo nagkamali ito sa pagkakaluto.

Imahe mula sa Facebook account ni Ambon John

“Nakita ko Mama ko kumakain mag–isa tapos tinanong ko bakit parang malungkot siya. Ayaw raw kumain ng kapatid ko kasi yung nilutong ulam eh nasobrahan sa lapot nawalan ng sabaw. Sumablay daw ng luto hindi raw masarap,” salaysay ng netizen.

Sa pagpapatuloy, “Ang ginawa ko, kumuha ako ng kanin, kahit busog pa ako kinain ko yung nilutong ulam ng mama ko para ipakita na na–appreciate ko yung luto niya.” Ang nilutong ulam ng kaniyang ina ay sinabawang sardinas na may miswa.

Panghuli, “Sabi ko nga masarap naman luto niya eh. Tapos, ngumiti na. Pero masarap talaga siya nawalan lang ng sabaw. Huwag ka na malungkot, Ma. I Love you. PS. Mahalin at pahalagahan po natin ang mga magulang natin. Appreciate them.”

Umani naman ito ng positibong reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Si Mama kapag sinabi kong may kulang sa luto niya may tampo agad pero kinakain naman namin, nanay pa rin natin ang best chef ng buhay natin,” pagbabahagi ng isa.

Turan naman ng isa, “Naalala ko si Mama rito… yung hitsura ng nanay sa picture… parang nakita ko si Mama sa ganyang aura.”

“Please do appreciate all the efforts of your Moms. Whether its on cooking or your laundries… yung iba nga napag sisilbihan nila kayo pa bang mga anak,” paalala naman ng isa.

Imahe mula sa Facebook account ni Ambon John

Matapos mong basahin ang artikulong ito, lapitan mo ang Mama mo (o maaaring lola o kinikilalang ina) at sabihin sa kaniya kung gaano mo siya minamahal at pinahahalagahan.