Pakiusap ng Palasyo: “Bawas-bawasan natin ‘yun pagpanood ng Netflix at iba pang malakas kumonsumo ng internet”




Larawan mula sa PNA at Freepik
  • May pakiusap ang Malacañang sa publiko ngayong nakasalalay sa internet connection ang maraming gawain
  • Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, bawasan daw muna ang pag-Netflix at pag-browse kung hindi mahalaga ang ginagawa
  • Ito raw ay upang maka-access nang mas mabilis-bilis na internet ang mga nagtatrabaho at nag-aaral sa kani-kanilang bahay

Magiging bahagi na raw ng new normal ang pagsasagawa ng mga bagay at aktibidad sa loob ng bahay tulad ng pag-aaral at pagtatrabaho. Posible ito sa pamamagitan ng internet. Maraming transaksiyon ngayon ang nagagawa na lamang online.

Dahil dito, nakikiusap ang Malacañang sa mga Pilipinong nasa kanilang tahanan sa panahon ng enhanced community quarantine (ECQ) na bawasan muna ang oras na ginugugol sa panonood ng online shows at paggamit ng internet upang magkaroon umano ng maayos na internet access ang lahat.

Larawan mula sa Freepik

Marami daw ang mas makabuluhan ang ginagawa katulad ng mga nag-aaral at nagtatrabaho na maaaring nagagambala ng mabagal na internet service. Bilang tulong na rin umano, habang mabagal pa ang serbisyo ng internet sa bansa, limitahan daw muna ang mga gawaing malakas sa konsumo ng bandwidth, kabilang ang pangne-Netflix.

“Nakikiusap din tayo sa mga kababayan na habang hindi pa tayo completely nagkakaroon ng additional infra work para sa internet lalong-lalo na, bawas-bawasan natin ‘yun pagpanood ng Netflix at iba pang malakas kumonsumo ng internet,” salaysay ni Presidential Spokesman Harry Roque.

Kung hindi raw maiiwasang manood talaga ng mga paboritong palabas at pelikula sa mga online streaming services, mas maganda raw na i-download na ito upang mas mahina o mas mababa ang makonsumong bandwidth.

“I-download ninyo na kung ano ung kailangan ninyong i-download saka ninyo panoorin kasi habang pinapanood ninyo yan ay talagang napakalakas ng paggamit ng internet,” dagdag pa ni Roque sa kanyang pahayag.

Larawan mula sa PNA

Ginagawa naman daw lahat ng Department of Information and Communications Technology (DICT) upang mas mapabilis pa ang internet services sa bansa lalo na ngayong inaasahang tataas talaga ang demand para dito. Gayunman, marami daw na kinahaharap na pagsub0k ang ahensiya pagdating sa aspektong ito.

Lantaran ding sinabi ni Roque na kung noon daw ay may suliranin sa koneksiyon sa bansa, lalo na raw ngayong marami ang inaasahang gagamit nito, lalo na kung mag-umpisa na ang sinasabing online education sa bagong pasukang itinakda ng Department of Education (DepEd).