Paaralan sa Taguig City, nagsagawa ng cyber graduation ceremony gamit ang student-made robots




Public Domain Image
  • Nagsagawa ng cyber graduation ceremony ang isang paaralan sa Taguig City
  • Pinagmartsa nila ang mga student–made robots na pinatatakbo ng remote control
  • Ikinabit naman nila ang mga tablet upang makita ang aktuwal na mukha ng mga mag–aaral

Isa sa mga labis na naapektuhan ng pandemyang COVID–19 ang tipikal na pagpinid sa taong pampanuruan sa pamamagitan ng mga recognition, moving up, at graduation ceremony dahil sa pagbabawal na magdaos ng mga mass gatherings at pagpapatupad ng social distancing. Hindi man lamang naranasan ng maraming mga mag–aaral ang pagmartsa sa entablado, pakikipagkamay, at pag–abot sa minimithing gantimpala, sertipiko, o diploma.

Iyan ang binigyang–solusyon ng Senator Renato “Compañero” Cayetano Memorial Science and Technology High School sa Taguig City matapos nilang isagawa ang online o cyber graduation ceremony nitong Biyernes, Mayo 22, 2020 sa pamamagitan ng tablet at student–made robots.

Public Domain Image

Hindi man aktuwal na nakadalo sa seremonya, mistulang nagmartsa na rin ang mga mag–aaral. Ikinabit sa ulunan ng robot ang tablet kung saan makikita ang mukha ng mag–aaral. Pinagsuot naman ng puting toga at graduation cap ang robot, na pinaandar naman ng remote control, at nagmamartsa sa pamamagitan ng gulong.

Narito naman ang iba’t ibang reaksyon at komento ng mga netizens sa naturang inobasyon:

“Cool! Hahaha. At least naisipan pa ring magkaroon ng graduation rites kahit medyo weird,” komento ng isa.

Turan naman ng isa, “Sana hinintay na lang nila ang October, March or next year para maganda ang graduation day. Graduate na naman sila, for formality na lang sana ang graduation march.”

“Ang gara… sana naman ginamit na lang yung mannequin doon sa mall para mas may dating… hindi yung mukhang…pang zombie mine craft sila diyan,” sabi naman ng isa.

Pahayag naman ng isa, “For me, ayos lang iyan. Nakakalungkot lang na ilang taon ang binuo ng bata at magulang para maka–graduate ang anak. Tapos hindi man lang nabigyan nang maayos na graduation.”

Sa Business Breakthrough University sa Tokyo, Japan, isinagawa rin ang virtual graduation sa pamamagitan ng remote–controlled robots.

Imahe mula sa Business Insider

Sa pagpasok ng taong pampanuruan 2020–2021, malaking hamon para sa mga paaralan kung paano naman bubuksan ang mga klase, lalo’t hindi pa humuhupa ang pandemya.

Ayon sa Department of Education o DepEd, magbubukas ang mga klase sa pampublikong paaralan sa darating na Agosto 24, 2020 sa pamamagitan ng online/flexible learning.