Netizen ipinahayag ang saloobin, mga natutunan mula sa work-from-home setup




Imahe mula sa Pixabay
  • Napaghayag ng ilang mensahe ang isang netizen mula mismo sa mga natutunan niya mula sa pagtatrabaho sa bahay
  • Nagbigay ito ng paalala sa lahat ng mga work-from-home employees upang kahit papaano ay magkaroon pa rin ng balanse sa kanilang personal at propesyunal na buhay
  • Kasama rin sa kaniyang post ang mensahe para naman sa mga employer na nagbabalak ipagpatuloy ang ganitong uri ng working scheme

Ibinahagi ng isang netizen ang kaniyang saloobin at mga natutunan mula sa pagtatrabaho sa bahay o tinatawag na work-from-home setup.

Imahe mula sa Pixabay

Sa post ni Jerome Papa Lucas sa Facebook, direkta niyang ipinahayag ang kaniyang nararamdaman matapos ang ilang linggong karanasan sa ganitong uri ng pagtatrabaho upang makaiwas na rin sa banta ng C0VID-19.

“May bittersweet feeling ang work-from-home arrangement,” aniya.

“Dahil habang nagagawa mo ang maraming bagay bukod sa trabaho mo, nasusubok naman ang ating pakikipagkapuwa sa ating mga katrabaho,” sabi nito sa unang bahagi ng post.

Ilan lamang sa mga tinukoy nito ay ang posibleng pagkaroon ng hindi pagkakaunawan sa chat lalo na’t maaaring hindi nito maipakita ang tunay na emosyon ng isang tao.

“Walang emosyon ang chatbox. At kapag walang emosyon, lagi nating ina-assume na pinagdududahan o ‘di kaya pinapagalitan tayo ng mga katrabaho natin,” ani Jerome.

“Kaya huwag ipagkait sa sarili ang paggamit ng emoji o ‘di kaya pagbibigay ng virtual hearts o ‘di kaya ng simpleng haha o hehe sa mga katrabaho. Hindi nakakabawas ng dignidad ang emojis,” paalala niya.

Nagbigay rin ito ng mensahe sa lahat ng mga work-from-home employees upang kahit papaano ay magkaroon pa rin ng balanse sa kanilang personal at propesyunal na buhay.

Imahe mula sa Pixabay

“Para sa lahat ng mga nagtatrabaho sa bahay at ginagawang almusal, tanghalian, at hapunan ang laptop, nawa ay hindi tayo maging robot. Paalala lang: tao po tayo,” giit niya.

Kasama rin sa post ni Jerome ang ilang mga paalala para naman sa mga employer na nagbabalak ipagpatuloy ang ganitong uri ng working scheme.

Hiling niya, sana maging maunawain ang mga employer sa kanilang mga employees kung sakaling hindi sila makasabay sa workloads at iba pang trabaho na kinakailangan ng agarang pansin.

“May iba’t ibang pinagdadaanan ang mga empleyado sa ganitong sitwasyon katulad ng mahinang internet connection, distractions, at iba pang problemang dulot ng pandemiya. Kaya marahil hindi madaling trabahuhin ang rush, urgent, at asap,” sabi rin nito sa post.

Source :

Facebook